Manila – Pinatunayan ng Gilas-Pilipinas na kaya nang sumabay ng Pinoy basketball sa pinakamagagaling sa mundo at hindi hadlang ang kulang na preparasyon at international exposure.
Ginanap sa Pilipinas ang FIBA Asia Championship sa unang pagkakataon mula 1973, taon na nagkampeon din ang mga Pinoy sa likod ni Robert Jaworski. Ang pakikipaglaban noong Agosto 11 ay nagsilbing qualifier sa 2014 FIBA World Championship sa Spain.
Bagama’t natalo ng Iran sa finals kamakalawa ng gabi sa score na 85-71, ang naging panalo ng Gilas kontra South Korea ay naglagak sa Pilipinas sa puwesto para makasama sa world championship sa Madrid, Spain sa susunod na taon.
Halos mapaluha sa galak ang lahat ng mga nanonood, sa venue man o sa telebisyon, nang tumunog ang final buzzer na nasa unahan ang Gilas at taglay ang katibayang makapasok sa world championship. Matatandaang 1985 ng huling nakakwalipika ang bansa ngunit hindi naman nakatuloy sa biyahe dahil sa naging 1986 EDSA revolution.
Malalagay sa kasaysayan ang mga pangalan nina Castro, De Ocampo, Douthit, Japeth Aguilar, Jimmy Alapag, Junmar Fajardo, Larry Fonacier, Gary David, Jeff Chan, Marc Pingris, LA Tenorio at Gabe Norwood bilang isa sa pinakamatagumpay na national squad sa kasaysayan ng bansa.
“Sigurado magugulat ‘yung mga taga-ibang bansa na may Philippines sa world basketball. Patunay ito na ang basketball natin ay hindi lang pang-Asia kundi pang-world na rin ngayon,” ayon sa koponan.
Kaugnay nito, naghain ng House Resolution No. 184 ang independent minority group (sa pangunguna ni Leyte Rep. Martin Romualdez at Buhay partylist Rep. Lito Atienza, kasama na rin sina Navotas Rep. Toby Tiangco, Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla at Quezon Rep. Aleta Suarez) upang bigyang parangal ang mga miyembro ng Gilas Pilipinas.
Maging si Pampanga Rep. Yeng Guiao, na isa ring coach sa PBA at minsa’y naging bahagi ng national team, ay sinabing dapat lamang parangalan ang koponan sa pangunguna ni coach Chot Reyes, dahil sa muling paglalagay sa world map ng basketball sa bansang Pilipinas.