Roma, Mayo 11, 2015 – Sa kauna-unahang pagkakataon, ay natunghayan ang kultura ng Pilipinas sa 11th Festival dell’Oriente dito sa Roma. Mula ika-24 hanggang ika-26 ng Abril ang unang tatlong araw ng festival na susundan naman sa ika-30 ng Abril hanggang ika-3 ng Mayo sa Fiera di Roma.
Kabilang ang Pilipinas sa iba pang mga bansa sa dakong Silangan gaya ng: India, China, Japan, Thailand, South Korea, Indonesia, Malaysia, Vietnam, Bangladesh, Mongolia, Nepal, Rajasthan, Sri Lanka, Burma, at Tibet.
Tampok sa pitong araw ng festival ang iba’t ibang kultura. Mula sa mga cultural shows at exhibitions, mayroon ding mga bazaars, food and trade booths, natural medicines and martial arts exhibitions. Makikita rin na may mga traditional massages, natural theraphies at yoga sa buong tatlong pavilion ng Fiera di Roma.
Hindi nagpahuli ang Pilipinas kung saan humakot ng mga bisita at dayuhan sa cultural booth na tinawag na ‘Villaggio Filippino‘. Ang pangunahing dekorasyon dito ay ang halos life-size replica ng Bahay-Kubo na simbolo ng payak na pamumuhay sa Pilipinas. May munting hardin na nakapalibot sa kubo at may isang capiz na parol bilang tanda na tanging ang Pilipinas lamang ang nagdiriwang ng pinakamahabang Pasko sa buong mundo. Ang entrada ng booth ay gawa naman sa kahoy at dinekorasyunan ng katutubong salakot at bilao.
Sari-saring mga kagamitan at produktong Pilipino ang naka-display sa Villaggio Filippino. Mayroong vest mula sa Mt. Province, pangkaraniwang damit ng isang Igorota, mga katutubong gong, rattan, banig at abaca handwoven bags, mga tela na tipikal sa Benguet, isang pares ng belo at handbag na may details ng lace at abaca, wooden tamaraw at sablay na may iskriturang Mangyan. Hindi rin nawala ang tradisyunal at modernong bersyon ng Filipiniana dress at Barong Tagalog.
Sa ikalawang bahagi ng festival (April 30, May 1,2 at 3), ay lalong dumami ang mga produktong gawang Pinoy mula sa mga koleksyon ng pribadong tao sa Roma. May mga handicrafts na gawa sa bamboo at ang ilan pang mga katutubong gamit at damit sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Agaw pansin naman ang belen na yari sa abaca na may taas na isang talampakan. Makikita rin ang mga litrato ng mga pangunahing tourist spots sa Pilipinas tulad ng Palawan, Mayon Volcano at iba pa, mula sa grupong Pinoy Photographers Club in Rome.
HILOT
Patok na patok sa loob ng 7 araw ang sariling atin na masahe – ang hilot. Mula sa Mayumi Spa – ang kauna-unahang spa na may serbisyong hilot dito sa Roma. Ayon kay Rosalud dela Rosa, may-ari ng spa, “They (manghihilot) were specially trained in our training center to practice the Filipino massage Hilot.”
Ang mga trained manghihilot ang naka-antabay sa sino mang bisita ang gustong sumubok nito. Isa rito si Mercy Solino na mula pa noong 2004 nanghihilot. ‘Mainam ang hilot lalo na sa cervicale.’ aniya. ‘Ineexplain ko sa kanila kung paano maiwasan ito lalo na ang mapasma.’ Isa si Mercy sa first batch ng mga trained hilot kasama ang isa pang Pinay at isang Italyano. Dagdag pa ni Mercy na sa hilot ay may mga suki na rin siyang kliyente, mapa-Pilipino man o Italyano.
BAYBAYIN
Lingid sa kaalaman ng marami, ay may sarili tayong uri ng pagsusulat. Kaya naman hindi nakakapagtaka ang pagbuhos ng tao habang si Rene Buenavente ay ipinapakita sa mga manunuod ang pagsusulat ng ating antikong iskritura na tinatawag na Baybayin. Ito ay isang lumang paraan ng pagsulat ng mga kayumangging Pilipino bago pa nakarating sa bansa ang mga dayong Kastila.
PINOY TEENS
Walang dudang ang buong grupo ng Pinoy Teens ay isa sa mga grupong tumanggap ng pinaka malakas na palakpak matapos magpasiklab sa harap ng audience. Sa pangunguna ng presidente ng grupo na si Lina Santos at choreographer na si Annie Montes, sinayaw ng mga kabataang may edad mula 7 hanggang 15 ang mga katutubong sayaw gaya ng Binoyugan, Sakuting, Subli at Tinikling. Layunin ng grupo ang manatili ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng mga katutubong sayaw sa second generation Filipino youth sa Roma at hindi ito makalimutan ng mga susunod na henerasyon.
Sa katunayan, isang Italyano habang pumapalakpak ang buong hangang nagsabing “BRAVISSIMI, questi ragazzi sono bravissimi eh.”
SAOMA AMA
Mula sa SAOMA AMA Chapter 1, kanila namang ipinakita ang Filipino martial arts na kilalang-kilala na rin dito sa Italya. Sa pangunguna ni Maestro Ricky Ascano at ng mga founders ng SAOMA AMA na sina Jeorge Glory, Benedict Manaloto, Enrique Ascano at Arthur Barbado, nag-exhibition ang buong grupo hindi lamang sa harap ng mga bisita ng festival kundi na rin sa iba’t ibang martial arts experts ng Silangan. Mano-mano, tungkod, kali at nunchako ang ilan lamang sa kanilang mga ipinakita.
GUBA DOCE PARES
Hindi man daw handa para sa isang presentasyon ay nagpaunlak pa rin ang Kali instructress na si Ms. Vilma Ramos. Kasama ng kanyang mga estudyanteng Pilipino at Italyano ay dinemonstrate nila ang martial arts na Kali o escrima o mas kilalang Arnis. Mula sa pamilyang mahilig sa martial arts, dinala ni Vilma sa Roma ang kaniyang passion sa kali. Instructress for 20 years, siya ay nadiskubre ng ilang grupong Italyano at naengganyo na magpaturo sa kanya ng kali. Sa ngayon ay siya ang nagtre-train sa mga regional heads dito sa Italya.
GINANGS
Hindi nagpahuli ang aktibong-aktibong mga Ginangs sa kanilang pagsuporta ng 2 buong araw sa festival. Kanilang binigyang kulay ang ‘Villaggio Filippino’ sa pamamagitan ng kanilang filipiniana dress at makulay at mabulaklak na arko. Bukod dito, kanilang ipinamalas sa mga bisita ng festival ang kultura ng ‘Flores de Mayo’.
KAYUMANGGI DANCE COMPANY
Maging ang isa sa pinaka matatag na mga cultural group sa Roma ay nagpa-unlak sa ginanap na festival, ang Kayumanggi Dance Company. Bagaman wala sa bansa ang kasalukuyang presidente na si Dulcie Mendoza ay ipinamalas ng grupo ang makasaysayang damit at sayaw ng Maria Clara. Bukod dito ang sayaw Banga at Salip. Samantala, humakot naman ng papuri Igorot dance at naparaming photographers ang Igorot costume.
KALAHI DANCE ENSEMBLE
Sa huling araw ng festival, ilang katutubong sayaw ang nasaksihan mula sa Kalahi Dance Ensemble. Kini-kini, Malong at Vinta na pawang mga sayaw mula sa Mindanao, partikular sa mga Maranao. Bagama’t bago lamang ang kanilang grupo, ikinagagalak ng founder na si Ms. Gesolmina Gonzalez ang kanilang partesipasyon sa festival at inaasahan na maibahagi pa nila ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng sayaw.
RODERICK BANGKOT
Upang makumpleto ang partesipasyon ng Pilipinas sa festival, rumampa sa tatlong pavilion ang mga nag-gagandahan at na-gwagwapuhang kabataang Pilipino na mula sa iba’t ibang beauty pageants. Flores de Mayo ang nasaksihan ng mga bisita habang suot ng mga kabataan ang mga Filipiniana dress at Barong Tagalog na likha ni Roderick Bangkot na isang fashion designer dito sa Roma. Kapansinpansin ang pagdagsa ng mga bisita at pagsunod sa sagala na talaga namang agaw pansin sa buong pavilion.
Labis ang pasasalamat ng mga organizers sa pangunguna ni Monsignor Jerry Bitoon at Pia Gonzalez, at ang lahat ng kasapi ng Enfid-Italy, sampu ng mga kasama nito tulad nina Benjamin Vasquez, ang direktor; Jose Caraeg, ang designer, sina Swellen Dimapasok, Joyce Esteban at Benjamin Eclarin at lahat ng mga volunteers at supporters, lalong higit ang suporta at tulong ni Father Ignazio Roderick, mas kilala bilang Father Ricky at sa pagbisita ni Welfare Officer Loreta Vergara.
“SALAMAT po! Hindi kayang tumbasan ang inyong mga ngiti, panahon, pagod at pagtitiwala!”, pagtatapos ng mga organizers. Hanggang sa susunod na taon! MABUHAY!!!!
Jacke de Vega
larawan nina: Boyet Abucay, Stefano Romano, Jacke de Vega