Hindi nagpahuli ang Pilipinas at aktibo ang naging partesipasyon sa tatlong araw na aktibidad ng Expo d’Oriente nitong Hunyo.
Roma, Hunyo 12, 2015 – Sa pangunguna ng Ompseco o Organizazzione Mondiale per la Promozione Scientifica Educativa della Cultura Orientale – sa pakikipagtulungan ng mga asosasyon, pederasyon at mga boluntaryo, sa kolaborasyon ng mga Embahada at pamahalaang lokal – ay ginanap ang Expo d’Oriente nitong nakaraang June 5, 6 at 7 sa Laghetto dell’Eur Roma kung saan sa unang pagkakataon ay itinanghal ang International Fair of Oriental Culture.
Itinampok sa tatlong araw na ‘fiera’ ang iba't ibang kultura ng mga bansang lumahok tulad ng India, Vietnam, Thailand, Japan, Nepal, China at Philippines. Mula sa mga cultural shows at exhibitions, mayroon ding mga bazaars, food at trade booths, natural medicines, traditional massages, natural theraphies at yoga. Nakaagaw-pansin rin ang martial arts exhibitions. Ang lahat ng ito ay natunghayan sa kabuuang 112,510 square meters na kinasasakupan ng Laghetto.
Sa nasabing fiera ay aktibo ang naging partesipasyon ng Pilipinas, sa pangunguna ng Mayumi Spa, sa pamamagitan ni Rosalud dela Rosa at sa tulong ng maraming asosasyon. Hindi nagpahuli ang Pilipinas sa lahat ng ginawang aktibidad ng Expo d’Oriente.
Sa katunayan, dalawang mahahalagang parangal ang tinanggap ng komunidad. Ang una ay ang Premio Federitalia Fitness Village per meriti sportive, culturali, benessere e solidarietà sociale at ang ikalawa ay ang korona ng Miss Oriente na natanggap ni Simona Lao (pati ang Miss Sorridente) at ang 3rd place naman ay nakuha ni Francesca Carrascoso, dalawang magagandang dilag na nagpakita ng gandang Pilipina sa 12 mga kandidata.
Bukod dito ay naging aktibo rin ang komunidad sa tatlong araw na press conference kung saan tatlong mahahalagang tema ang hinarap nito. Sa unang araw ay integrasyon ang tinalakyan kung saan sina Fr. Norman dela Pena, Romulo Salvador, Merly Sianen at representante ng IFAD ang naging tagapagsalita. Lumabas sa diskusyon na parsyal pa lamang ang integrasyong naabot ng komunidad dahil may pag-aaalinlangan pa rin sa tuluyang pagbubukas ng ‘pinto’ nito para sa ganap na pagtanggap sa host country. Mahalaga rin ang makapagsalita sa wikang italyano para sa ganap na integrasyon ng komunidad.
Binigyang halaga naman ang turismo sa ikalawang araw. Bagaman nangangailangan ng higit na atensyon, partesipasyon at promosyon buhat sa gobyerno ng Pilipinas at mga Embahada ng Pilipinas ang ating Perlas ng Silangan sa mga pagdiriwang tulad ng Expo d’Oriente, binigyang-diin ng mga tagapagsalita ang kahalagahan ng turismo. Pinangunahan ito ng City Travel, ni Tatoo Legarda, Jun Landicho at Merly Sianen. Kanilang ipinag-malaki ang ganda at yaman hindi lamang ng bansang Pilipinas bagkus pati ang magagandang katangian ng bawat Pilipino sa bawat sulok ng mundo.
Makabuluhan naman ang naganap sa ikatlo at huling araw ng press conference kung saan nagpasalamat ang buong komunidad sa naging imbitasyon ng Ompseco. Isang liham ang ibinigay kay Liberato Mirenna, ang presidente ng Ompseco, lakip ang mga pangalan ng asosasyon, grupo at indibidwal na naging bahagi ng tatlong araw na pagtitipon kasabay ang pangangakong pag-iibayuhin pa ang preparasyon para sa mga susunod na taon. Kabilang sa mga representante ng komunidad sina Mher Alfonso, Lito Viray, Jun Landicho, Benjie Eclarin, Joyce Esteban at Yoly Abu.
Tulad ng inaasahan, sa unang araw pa lamang ay humakot na ng mga bisitang dayuhan ang itinanghal na Bario Fiesta o Festival delle Filippine. Sa direksyon ni Benjie Barcellano ay opisyal itong binuksan kasama sina Loreta Vergara, OWWA/POLO OIC, Liberto Mirenna, Fr. Norman Pena, Tahjack Tikaz at marami pang iba.
Mula sa dekorasyong bahay-kubo na naka-akit sa marami, Pilipino man o hindi, hanggang sa makukulay at masasarap na pagkaing Pilipino at mula sa cultural presentation ng mga pinaka-mahuhusay na local talents sa Roma hanggang sa Zumba session, ang mga itinanghal sa Bario Fiesta na tunay namang nakatawag-pansin sa mga Italyano at ibang lahing dumalo sa Expo.
Nakipag-sabayan at humakot ng papuri sa principal stage ang grupo ng Pinoy Teens Salinlahi, Kayumanggi Dance Company, Kalahi Dance Ensemble at Black Squadron Martial Arts.
Minsan pa, sa pamamagitan ng Expo d’Oriente ay napatunayan ng mga asosasyon, organisasyon, pederasyon at bawat Pilipino sa Roma, na sa kabila ng napakaraming aktibidad ng bawat isa ay nangibabaw pa rin ang ispiritu ng BATARISAN o ang pagtutulungan at pagkakaisa para sa promosyon, pagpapahalaga at pagmamahal sa ating kulturang Pilipino.
Bukod sa mga nabanggit sa itaas, pinasasalamatan rin ng buong organisasyon ang malaking bahagi ng mga sumusunod sa kanilang pakikiisa:
- Vocals Group
- Sessione Zumba – Marlyn Manuel
- BATANG IDOL 2013 / 2014
- GINANG Pilipinas Italia
- Boris
- Bachelors 2015
- MRS Model Kids
- Christian Garcia, Fish Cake Band, Rhona Calapati
- SARI – ACCADEMIA ARTI MARZIALI LOTTA SCHERMA
- Boyet Abucay & Melisse Abucay
- Luisito Brasil
- Tamiwari & Camiling
- District crew
- Face of the year 2015
- She's got d look 2015
- SAOMA AMA Chapter 1
- Photo exhibits – Tta Mari Lami e Stefano Romano & Lito Viray
- LAHAT ng committee at mga BOLUNTARYO na nagbigay ng kanilang panahon, tulong at serbisyo
- Lahat ng mga dumalo at naki-Bario Fiesta sa tatlong masasayang araw ng Expo d’Oriente!
ni: PGA
larawan: Noe Banares at EXPO d'Oriente