in

Pinay Artist, tampok sa ilang Art Exhibits sa Bologna

Nakilahok si Mercedita de Jesus sa OLTRE 6THEDITION ART EXHIBIT na ginanap sa Galleria d’ Arte Contemporanea Wikiarte sa Via Bologna sa pagdiriwang ng Buwan ng Arte sa Italya.

Tampok ang 21 na mga pintor na nagbahagi ng kanilang mga obra at bukod tanging si Mercedita ang kalahok na Pilipina. Ibinahagi niya ang kaniyang mga obra na may titulong  MARIA MERCEDES,The Filipina Maiden; INANG KALIKASAN (La Madre Natura ) at si WHANG-OD (ThE Filipina Tattoo Artist).

Maging si Luca Ricci, ang art critic at presentor ng Art Exhibit, kasama si Deborah Petroni, ang curator,  ay napahanga ng Pinay artist .

Si Mercedita de Jesus mas kilala ng karamihan na ,”Dittz”, ay isang Bulakenya, may malaking pasyon at pagmamahal sa pagpipinta. Makailang beses na rin syang nakilahok at naitampok sa iba’t ibang art exhibits sa Bologna. Ilan sa mga nasalihan nya na art exhibit ay ATMOSFERE – Mostra Colletiva di Pittura sa Centro Sociale, Villa Bernaroli, Via Morazzo 3, Bologna at VISIONARIA –Arte, moda, e Artigianalita sa San Lorenzo, Bologna .

Nagbibigay-inspirasyon sa kanya ang kanyang mga kaanak at mga kaibigan. Bilang pagpapakita ng pagsuporta at sobrang pagmamalaki sa ating Pinay na artist ay dumalo ang kanyang mga kaibigan mula sa iba’t ibang organisasyon,  Federation of Filipino Associations,Bologna (FEDFAB) ,Filipino Women’s League (FWL) at Alyansa ng Lahing Bulakenyo (ALAB).

Bago pa makaalis ang Pinay artist sa galleria ay muling lumapit sa kanya ang art critic na si Luca Ricci, kinamayan siya at tinuran ang katagang , “Complimenti!” Patunay lamang na ang mga Pilipino ay maipagmamalaki.

Nitong Marso ay kalahok rin si Mercedita sa isang art exhibit, bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan , La Rappresentazione del Femminile nelll’ Arte Contemporanea sa Circolo ARCI La Staffa Viccolo Fantuzzi 5/a , Bologna,  kung saan si Aldo Manzanares ang curatore. Dito ay itinampok naman ang mga kakaibang representasyon sa anatomiya ng isang babae, may simboliko at may natural na pagsasalarawan. Inilahok niya dito ang obrang “Inang Kalikasan” na nagpapakita ng isang babaeng kagampan sa kanyang anak.

Layunin ng Pinay artist na maging inspirasyon siya sa kapwa Pilipino na may angking talento sa pagpipinta lalo na sa mga kabataan at maging sa mga may hilig sa Arte.

 

Grace Valdez-Ramos

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Intensity 6.1 na lindol, niyanig ang Pilipinas

Zumba Mommies, patok na patok sa Roma