Tampok ang isang Pinay sa mga isinagawang art exhibits sa Bologna.
Naging atraksyon sa ilang kalye sa Bologna ngayong mga nakaraang araw ang pagtatanghal ng iba’t-ibang likhang sining ng ilang mga artista mula sa iba’t-ibang panig ng bansang Italya.
At kagaya ng sa ibang sektor, hindi rin nagpahuli ang sariling atin. Binigyang halaga ang ilang obra ng isang filipina artist na si Mercedita De Jesus o mas kilala ng karamihan bilang “Dittz”, 53 taong gulang na tubong Bulakan. Siya ay nagtapos ng Arkitektura sa Bulacan College of Arts and Trades sa Malolos. Nang lisanin niya ang bansang Pilipinas ay pinalad siyang mapadpad sa bansang Italya kung saan ang arte ay isang napaka halagang elemento sa buhay at kasaysayan ng bansa. Sa kanyang halos labing-apat na taong pamamalagi sa Italya ay hindi niya kailanman kinalimutan ang arte na isang importanteng bahagi na ng kanyang pagkatao kung kaya’t pilit niyang hinangad na muling gisingin at ipagpatuloy ang naunsyaming gintong pangarap na maging isang mahusay na pintor. Limang taon na ang nakakaraan ng muli siyang magpinta at lumahok sa iba’t-ibang exhibits sa Italya. Nagtuturo din siya ng pagpipinta sa mga kabataan at sa kung sino mang nagnanais na ilapit ang sarili sa sining ng pagpipinta.
Kumakailan lamang ay tampok ang kanyang mga likhang-sining o paintings sa “ATMOSFERE- Mostra Collettiva di pittura”, isang art exhibit na ginawa sa Centro Sociale, Villa Bernaroli, via Morazzo 3 sa Bologna. Ang exhibit ay nagbukas noong ika-22 ng buwan ng Setyembre at magpapatuloy hanggang ika-7 ng buwan ng oktubre 2018. Sa pagtatanghal ng kanya-kanyang obra ay lumahok ang labing dalawang mga italians at si Mercedita De Jesus ang tanging pinay na kalahok. Ang karamihan sa mga nakiisa dito ay kasapi ng UCAI o Unione Cattolica Artisti Italiani.
Noong ika-29 ng setyembre naman ay lumahok si Mercedita sa “One day art exhibit” na bahagi ng programang “VISIONARIA-Arte, Moda, e Artigianalità” na ginawa sa San Lazaro, Bologna mula alas 10 ng umaga hanggang alas 7 ng gabi. Nakiisa sa inisyatibang ito ang ilang pintor mula sa iba’t-ibang siyudad ng Italya. Ang exhibit ay itinanghal sa harap ng mga shops sa sentro ng Bologna. Tampok din ang isinagawang “fashion show” ng mga damit na gawa ng mga stilistang italyano, mga handicrafts, at pagkaing italyano. Layunin ng mga programang ito ang maipakilala sa mga tao ang mga obra, moda ng damit, at mga produktong likha ng mga taong naninirahan sa Bologna.
Hindi nakakalimutan ni Dittz ang kanyang pagiging Pilipina. Karamihan sa mga likha niya ay naglalarawan ng kultura at kaugalian ng mga pilipino. Gamit ang angking talino sa pagpipinta, naipapakita at naipapahayag niya sa kanyang mga obra ang para sa kanya ay mahahalagang nilalaman ng kanyang saloobin. Umaasa ang pinoy pride artist na ito na ang kanyang mga likhang-sining ay magsilbing inspirasyon sa kanyang mga kababayan lalo na sa mga nakababatang henerasyon.
Quintin Kentz Cavite Jr.