in

Pinay, biktima sa salpukan ng truck at filobus sa Milano

Trahedya sa panahon ng kapaskuhan. Nasawi ang isang 49-anyos na pinay na kinilalang si Shirley Calangi Ortega, tubong Mabini, Batangas matapos magsalpukan ang isang filobus at isang truck ng basura sa Milano. 

Ang malagim na trahedya ay nangyari pasado alas 8 ng umaga, araw ng kapistahan ni San Ambrosio, patron ng Lungsod ng Milano.

Sa sobrang lakas ng impact ng nasabing banggaan ay tumilapon palabas ng bus ang biktima na nang madala sa pagamutan ay idineklarang nasa estado ng coma.

Ayon sa report ng mga awtoridad, ang aksidente ay bunga ng hindi pagsunod sa batas trapiko ng nagmamaneho ng filobus. Kitang kita sa isang cctv footage na ang huli ay dumiretso pa rin kahit na ang ilaw trapiko ay pula. Dito nito nakasalpukan ang garbage truck na kasalukuyang binabaybay ang interseksyon ng viale Egisto Bezzi at via Marostica. Maliban sa nasawi ay may 18 pasahero pa ang sugatan sa nasabing aksidente.

Ang administrasyon ng Azienda Trasporti Milanesi o ATM ay nakipagugnayan na sa mga kamag-anak ng biktima at nangako ng tulong sa lahat ng pangangailangan ng mga ito na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin makapaniwala sa nangyari.
Sabado nang mangyari ang trahedya ngunit araw ng linggo nang ideklarang binawian ng buhay ang biktima.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad at nasa kamay na umano ng mga ito ang ilang cctv footages mula sa iba’t-ibang anggulo ng lugar ng pinangyarihan.  (Quintin Kentz Cavite Jr.)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Strike for a Cause, handog ng Batangas Varsitarian kay baby Araine

Guardians Emigrant, nasa ika-4 na taon na sa Montecatini Terme