Isang Pilipina ang sa kasamaang palad ay binawian ng buhay sa bahay mismo ng kanyang employer sa Roma nitong nakaraang Martes, April 30.
Ayon sa ilang kaibigan na nagta-trabaho malapit sa bahay ng employer ni Jhie Planton Salisi Javier, ang pangalan ng Pilipina sa social media, dumaing na umano ang Pinay sa matinding sakit ng ulo nito, bandang alas 9 ng umaga ng Lunes, ngunit hindi lumiban sa trabaho si Jhie at nagpumulit na pumasok dahil ang kanyang employer ay nagpunta ng France.
Dahil sa tumitinding dinaramdam ni Jhie ng mga oras na iyon, ito ay itinawag sa kanyang pinsan upang siya ay ihingi ng saklolo. Ang pinsan naman ay hindi nag-atubili at tumawag sa awtoridad upang siya ay puntahan sa trabaho at siguraduhin ang kanyang kaligtasan.
Sa katunayan, ayon sa ilang kapitbahay, bandang alas 11 ng umaga ng Lunes ay nagtungo ang mga pulis sa building kung saan nagta-trabaho si Jhie at hinanap ang taong posibleng sumama ang pakiramdam na humingi ng saklolo. Sa kasamaang palad, sa kabila ng pagsusumikap ay umalis na bigo ang awtoridad kasama ang mga bumbero dahil hindi natagpuan ang taong kanilang hinahanap.
Ngunit dahil hindi umuwi ng kanyang apartment si Jhie, nag-report at tumawag ulit ng saklolo ang pinsan.
Martes ng hapon, bandang alas 4 ay dumating ang rescue at pinilit buksan ang bintana sa ika-apat na palapag ng building. Noon ay natagpuang nakahandusay sa sahig si Jhie. Agad na dinala sa ambulance, sinaklolohan at pilit na hinabol ng mga rescuers ang oras ngunit sa kasamaang palad, bandang alas 5 ng hapon ay tuluyang binawian ng buhay ang ating kababayan.
Kasalukuyang hinihintay ang resulta ng autopsya.
Pakikiramay ang ipinaaabot ng Ako ay Pilipino sa naulilang pamilya. Paalala din sa lahat na huwag manghinayang sa oras para magkapagpa-check up sa medico di base upang masigurado ang pagkakaroon ng malusog na pangangatawan.