in

Pinay, gold medalist sa Para-Karate Regional Competition sa Roma

Isang Pinay ang nakasungkit ng gold medal sa ginanap na ParaKarate Regional Competition sa Monterotondo Roma nitong nakaraang October 23, 2022. 

Siya si Caroline Bautista Ulep, 35 anyos. Ipinanganak, lumaki at nagtapos ng Nursing sa Pilipinas. 

Dahil sa malaking gastusin sa pagpapagamot sa kanyang ama sa Pilipinas, napilitan si Carol na magpunta at sumunod sa kanyang ina sa Roma Italya noong 2010 upang matustusan ang gastusin sa chemotherapy ng ama. 

Kahit anong trabaho basta kumita lang”, ayon sa kwento ni Carol. Aniya mabait talaga ang Diyos sa kanya dahil sa unang araw pa lamang ng kanyang pagbabakasakali sa pagmimigay ng kanyang CV ay tinawagan agad sya for interview bilang sales lady sa isang sapatusan sa sentro. Nagtagal si Carol sa kanyang trabaho ng dalawang taon hanggang sya ay nagkasakit.

“I was diagnosed with arteriovenous malformation of the brain, a rare congenital case. Naoperahan at nacoma ako at pagkagising ko paralisado ang kaliwang bahagi ng katawan ko”.

Umiyak at magmumok si Carol noong una. Kalaluan, unti-unting nagpagaling mentally, physically at spiritually. “Sa kabila ng lahat thankful pa rin ako kasi hindi naman lahat nabibigyan ng pangalawang buhay”, aniya. 

Bagaman mahirap at mabigat, tinuruan ni Carol ang sarili ng self-love. At hindi nagtagal ay unti-unti siyang lumakas at naging maganda rin ang epekto ng kanyang physical therapy. “Doon ko naalala ang laging sinasabi ng lolo ko sa akin na ang tunay na saya ay mararamdaman mo kapag alam mong i-appreciate ang lahat ng bagay sa paligid mo malaki man o maliit ito. Yes, sa family ako kumukuha ng lakas ko, and remembering my childhood with my Dad, na-enganyo ako sa sports. Nalaman ko na kahit pala nasa wheelchair lang ako may mga paraan para maging makabuluhan ang buhay ko”. 

Malaki din ang naituong ng kanyang health conscious na ina. Siya ang tumutok sa tamang diet at tamang exercise sa araw araw. Bukod pa ito sa moral support ng kanyang mga family members at mga kaibigang hindi pumapalya sa pagtawag at pagmemessage sa kanyan palagi.

Alam nating lahat na dito sa Italya ay hindi pinababayaan ang mga Person with Disability (PWD) tulad ni Carol. Bukod sa patuloy na gamutan, may iba’t ibang awareness ang pamahalaan para hindi magmukmok na lamang sa kani-kanilang mga tahanan. Kabilang na dito ang sports at social inclusion na pangunahing layunin ng ginanap na Campionato Regionale CSEN (Centro Sportivo Educativo Nazionale), sa pagtutulungan ng ASD Wadokay Karate at Centro Diurno Polivalente Municipio III kung saan si Carol ay bahagi.

Dahil sa may potential, kahit isang buwan pa lamang si Carol sa ParaKarate ay isinali na sya ng kanyang mga Coaches, na sina Maestro Maurizio Paradisi ng Palestra Comunale San Lorenzo at Coach Monica Paradisi ng Centero Diurno Polivalente Cortona – sa competition. Ang ParaKarate ay ang tawag sa sports na karate ng mga may kapansanan. 

Kahit pa mahilig si Carol sa challenge ay nahirapan siya sa simula, ngunit nagpatuloy siya at hindi nawalan ng pag-asa. Sa katunayan, sa sobrang pressure ay dumating sa puntong hindi siya makahinga, naduduwal at sumasakit ang tiyan dahil sa kaba. Partikular, sampung araw bago ang kumpetisyon ay nagdesisyon na syang umatras. 

Nagulat ang coach ko kasi tinalikuran ko at sabi ko ayoko na”. At hinayaan muna syang mag-isa at makapag-isip. 

Kung pagod, hindi masamang magpahinga saka humakbang ulit kapag handa ka na, ang importante hindi ka susuko”, aniya.

Tandang-tanda niya ang habilin ng ina: “Embrace your failures, learn from your hardships and evolve through your challenges”. “Kaya iyon ang inisip ko sa mga oras na iyon. Ayoko na binibigo ko siya kaya nagpatuloy akong nagpractice”. 

Sa araw ng competition sa Monterotondo, kabado ang dalaga lalo na’t nalaman niyang regional competition pala ito.

Noong tinawag na ang pangalan ko para sa exhibition, mix emotion ako pero parang naramdaman kong kasama ko ang daddy ko noong tinapik ng male coach (kaedad ng daddy) ang balikat ko at sabi nyang fight!” 

Pagkatapos ay huminga ng malalim si Carol at sumugod sa gitna. At nakita sa crowd ang kanyang Mommy, mga kaibigan at mga PWD na kasama sa Centro Diurno. “Hindi ko sila bibiguin! Para sa mga taong hindi ako sinukuan”, sabi ko sa sarili ko. 

Pagkatapos ng exhibition, hindi na-satisfied si Carol sa kanyang performance. Pero aniya ang mahalaga ay matapos na ang araw na iyon at kung failed man siya, ay babawi na lamang sa mga susunod na pagkakataon. Laking gulat na lamang niya noong Awarding Ceremony ay isinabit sa kanya ang gold medal.

“I got the gold medal! I did it!”, sigaw at pagmamalaki ni Carol sa sarili, kasabay ang masigabong palakpakan ng kanyang mga tagahanga. 

As of now bumubuti naman ang aking kalagayan physically, laban lang sabi nga nila habang buhay may pag-asa kaya laban lang. Huwag na huwag makakalimot sa Panginoon. Laban lang!”.

Mensahe ni Carol sa kanyang pagtatapos. (PGA)

Click to rate this post!
[Total: 6 Average: 4.5]

23-anyos na Pinoy, nasawi sakay ng monopattino

Trofeo d’Autunno ng Okinawan Karate Club Roma, isang tagumpay!