in

Pinay na nagtangkang magpakamatay, isinugod sa ospital

Bigo ang isang Pinay sa kanyang tangkang pagpapakamatay, hawak ang isang kutsilyo habang nakakulong sa loob ng banyo ng kanilang bahay.

Nangyari ang insidente bandang alas 10:30 ng gabi noong linggo, ika-28 ng buwan ng Abril sa lugar ng Stanga, sa Padova.

Ayon sa mga awtoridad, nakatanggap umano sila ng isang emergency call mula sa isang concerned citizen ng nasabing lugar. Ayon sa lalaking tumawag ng saklolo, nagkulong sa banyo ang kanyang kapitbahay at nagpamalas ng intensyong kitilin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagsaksak.

Agad namang rumispende ang mga elemento ng “Carabinieri ng Nucleo Radiomobile” ng lungsod ng Padova.

Base sa isinumeteng report ng mga alagad ng batas, mabilis ang naging aksyon ng patrol na agad na dumating sa eksena ng “attempted suicide”. Nadatnan ng mga ito mismong ang kapitbahay na tumawag ng rescue at ang kinakasama ng babaeng nagtangkang magpakamatay. Ang huli ang humingi ng tulong sa kapitbahay at sinabi nito na nagkulong ang kanyang kinakasama sa banyo dala-dala ang isang malaking kutsilyo at tangkang wakasan na ang kanyang buhay.

Agad na siniguro ng special rescue team na ligtas ang babae at sinubukang pakalmahin ito. Nakipag-usap umano ang mga ito ng mahinahon ngunit matigas ang Pinay at ayaw magbukas ng pinto. Dito nagpasya ang mga pulis na puwersahin na ang pagbubukas ng pinto bago pa umano maging huli ang lahat.

Ayon sa kanila, sa mga ganitong sitwasyon ay kailangan ang isang mabilis na desisyon sapagkat wala silang ibang nasa isip kundi ang mailigtas ang babae at hindi kailanganang magsayang ng oras. Natagpuan nila sa loob ng banyo ang babae na hawak ang malaking kutsilyo na nakatutok sa kanyang abdomen. Naging mahaba ang nangyaring negosasyon sa pagitan ng dalawang panig hanggang sa magpakita ng unti-unting senyales ng “pagsuko” ang babae. Nakuha ng mga pulis ang kutsilyo at saka pumasok sa eksena ang rescue team na nagdala sa Policlinoco sa pinay sakay ng ambulansya.

Ayon sa imbestigasyon ng kapulisan, matagal ng may matinding pinagdadaanan ang 46-anyos na pinay hanggang sa dumating na nga sa ganitong punto. Nasa pangangalaga ng psychiatric care unit ang pinay at kasalukuyang nagpapahinga at nagpapagaling.

 

Quintin Kentz Cavite Jr.

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Mga Dapat Malaman Tungkol sa Atake sa Puso

Sa nalalabing araw ng Postal Voting sa Italya, narito ang ilang payo