Milan, Septiyembre 29, 2014 – Isang Pilipina, 42 anyos at ina ng 4 na anak ang sumakabilang buhay matapos maipit ng treno sa Inganni Milan, Linggo ng madaling araw.
Bandang 00:51, sa istasyon ng Inganni, Milan (M1 linea rossa), ayon sa report ng mga Carabinieri na mabilis na sumaklolo at ng Atm (Azienda Trasporti Milanense), ang mag-asawa ay bumama umano sa Inganni station na patungong Bisceglie. Marahil pagod matapos ang maghapong trabaho at pauwi na patungong Via Zurigo, di kalayuan sa istasyon kung saan residente. Bitbit pa ng mag-asawa ang kani-kanilang mga bags kung saan makikita ang mga ginamit na damit sa trabaho, si Analisa, isang caregiver at si Armando, 48 anyos, isang colf.
Tulad ng malinaw na makikita sa cctv ng istasyon, papalayo si Analisa sa security yellow line habang kausap ang asawa. Biglang nawalan ng balanse patalikod si Analisa habang si Armando naman ay pinilit na hawakan ang asawa. Ngunit hindi naging sapat ang lakas ni Armando upang mapigilan ang bumagsak na katawan ng asawa sa espasyo sa pagitan ng dalawang wagons na kasalukuyang isinasara ang mga pinto sa muling pagtakbo nito. Nakaladkad ang katawan ng Pinay ng ilang metro. Mabilis na napansin ito ng driver at pilit na pinahinto ang treno. Ngunit huli na ang lahat dahil mabilis na nawalan ng buhay ang Pinay.
Si Armando ay halos mawalan ng malay matapos ang mga pangyayari.