Si Remely Abrigo, 30 taon ng registered nurse at kasalukuyang nasa Cardiology ward ng Istituto Fiorentino di Cura e Assistenza o Ifca Hospital sa Florence. Bilang isa sa mga frontliners, sya ay kasama sa hanay ng mga unang binakunahan laban Covid19. Narito ang kanyang salaysay.
Malaki ang pasasalamat ko sa Diyos dahil malaking tulong ang pagkakaroon ng bakuna para magampanan namin ng lubos ang aming tungkulin” – Remely.
Kumbinsido ka ba 100% sa pagpapabakuna? O ginawa mo ito dahil isa kang frontliner?
Hindi ako nagdalawang isip. Kumbinsido ako na magpabakuna una dahil mataas ang responsabilidad namin sa mga pasyente na nakakaharap namin sa araw araw. Nararapat lang na nasa maayos na kundisyon ang aming kalusugan sa aming pag-aalaga sa kanila. Ikalawa, bilang proteksyon namin sa aming mga sarili at pangatlo para maproteksyunan namin sa aming mga mahal sa buhay, pamilya, kamag-anak at mga kaibigan.
2) Ano ang naramdaman mo sa oras na binabakunahan ka?
Excited ngunit may bahagyang takot. Pero sa totoo lang, nagpalista agad ako nung mabalitaan ko na magbabakuna na dito sa amin. Ako ay binakunahan noong Jan 9. Hanggang ikalawang araw mula ng mabakunahan ako ay mabigat ang pakiramdam ng braso ko, parang may muscle pain ngunit wala naman akong lagnat. Pagkatapos ay normal na ang aking pakiramdam.
3) Ano ang pakiramdam mo ngayon?
Normal na normal na ang pakiramdam ko ngayon. Bakit ko palalampasin ang mabakunahan. Ang pagkakataong ito na ibinibigay lamang sa iilan sa kasalukuyan.
4) Ano ang mga inaasahan mo ngayong may bakuna ka na?
Hihintayin ko ang 21 days para sa second dose. Sa katunayan, maswerte ang mga babakunahan ng susunod na bakuna, ang Moderna, dahil isang dosis lang ang kailangan nun o isang bakuna lang. Gayunpaman, patuloy ang aking pag-iingat para din sa aming mga pasyente.
5) Ano ang halaga nito para sa iyo?
Mahalagang mahalaga ito para sa akin dahil nais kong magampanan ang aking tungkulin ng lubos. Para sa akin, ang aking buhay ay inilalaan ko na para maglingkod at mag-alaga sa mga pasyente, para sa kanilang kapakanan. Malaki ang pasasalamat ko sa Diyos dahil malaking tulong ang pagkakaroon ng bakuna para magampanan namin ng lubos ang aming tungkulin.
6) Ano ang iyung mensahe sa komunidad?
Darating din ang mass vaccination. Inaanyayahan ko ang lahat na magpabakuna. Ito ay bilang pagmamahal natin sa ating mga sarili at mga pamilya. Paniwalaan natin naabot at ang naging ebolusyon ng syensia. Huwag maniwala sa fake news. Naniniwala nga tayo sa sabi-sabi, bakit hindi natin mapaniwalaan ang inaprubahan ng bakuna. Ito ay isang karapatang ibinibigay sa atin.
Harapin natin ang katotohanan. Huwag tayong matakot sa bakuna bagkus ay matakot tayo sa magiging epekto pa ng covid19 kung magtatagal pa ito. Marami na ang nagbuwis ng buhay. May ilan din akong kasamahang pinay nurse na nabiktima ng covid19 noong first wave nito. Napakasakit. Ngayon na halos abot-kamay na natin ang solusyon sa covid19, huwag na nating hintayin na may mangyaring masama pa sa isa sa ating mga mahal sa buhay. (PGA)