Isang Pinay sa Roma at isang Pinoy sa Parma ang parehong inaresto kamakailan dahil sa pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot, ang shabu.
Isang 43 anyos na pinay at may police record na, ang inaresto ng grupo ng mga carabinieri ng Roma Trionfale.
Sa bahay ng lady pusher ay natagpuan ang 24 gramo ng shabu, € 950 cash at mga kagamitan sa pagre-repack.
Matatandaang halos 10 araw pa lamang ang nakakalipas nang arestuhin ng parehong grupo ng mga kapulisan ang isang 34 anyos na Pinoy na nahulihan ng 220 gramong shabu.
Kaugnay nito, isang 40 anyos na pinoy sa Parma ay inaresto din dahil sa ipinagbabawal na gamot.
Ang Pinoy pusher ay kasalukuyang naka-house arrest dahil dalawang beses nang nahuli ng awtoridad noong buwan ng Enero.
Martes ng hapon, sa Via San Leonardo ay nakita ng nagpa-patrol na alagad ng batas ang pinoy sakay ng kanyang bisikleta. Lalong naging kahina-hinala ang mga kilos nito dahil sa pagkabalisa at hindi maipaliwanag na dahilan ng paglabas bahay. Hindi ito pinalampas ng mga kapulisan at agad na kinapkapan ang pinoy at natagpuan ang 5,11 gramo ng shabu.