Naging maaksyon ang isinagawang pagsugod ng mga awtoridad sa isang bahay sa Roma matapos rumisponde ang mga ito sa isang tawag ng mga residente at inireport na nagkabarilan umano sa loob ng isang apartment sa via Colombi, sa Torre Maura.
Mabilis ang tugon ng mga pulis at agad na nagbitaw ng isang red alert operation. Malakas umano ang kutob ng mga ito na posibleng magkaroon ng palitan ng putukan mula sa mga alagad ng batas at ng may hawak ng baril sa loob ng bahay sakaling hindi ito agad sumuko.
Ayon sa tumimbre sa mga pulis, araw ng lunes, ika-27 ng buwan ng Mayo, bandang ala una ng hapon nang makarinig ng ilang putok ng baril ang mga kapitbahay, dahilan upang magtakbuhan ang mga ito palabas at maging sanhi ng paniko ng mga naninirahan sa lugar.
Pagpasok ng mga awtoridad ay natagpuan nila ang 38-anyos na Pinoy, at nakumpiska ang baril na ginamit nito sa pagpaputok. Narekober din ang ilang pang replikang baril na walang “tappo rosso”, bagay na unang tinitingnan ng mga pulis para malaman kung ang baril ay nakamamatay at naglalaman ng “live bullets”. Nakuha rin ang doseng blankong bala na hindi pa naipuputok at dalwang basyo ng bala ng baril na siyang ginamit sa pagpapaputok.
Agad na dinala ang inaresto sa headquarters ng mga pulis sa Prenestino at doon ipinagpatuloy ang proseso ng pagblotter. Hindi pa umano dito nagtatapos ang imbestigasyon dahil nais pang malaman ng mga awtoridad kung ang Pinoy ay sangkot sa ibang mga krimen sa mga kalapit na lugar.
Aminado naman ang Pinoy sa kaniyang pagkakamali bagamat hindi nito maipaliwanag ang tunay na dahilan ng pagpapaputok sa loob ng bahay at kung bakit sya may mga baril. May duda ang mga pulis na maaring magamit ang mga ito sa hindi magandang operasyon tulad ng pananakot o kaya ay panghoholdap. Maari din umano na para lamang makapaglibang o kaya ay dala ng yabang na makahawak ng baril at makapagpaputok.
Sa ngayon ay nahaharap ang inireklamong Pinoy sa kasong “procurato allarme” o public disturbance na naging dahilan upang magpanic ang mga tao.
Quintin Kentz Cavite Jr.