in

Pinoy at shabu, patuloy ang kabanata sa Lucca

Arestado ang isang Pilipino sa probinsya ng Lucca matapos itong maharang ng mga alagad ng batas na may dalang shabu, isa sa pinakamalakas at mapinsalang ipinagbabawal na gamot na mabilis na kumakalat bansang Italya, partikular sa mga komunidad ng mga Asians.

Ayon sa ulat ng mga pulis na naging bahagi ng operasyon at pagkakadakip sa tulak ng droga, dati ng nahuli ang 50-anyos na ito dalawang taon na ang nakakalipas at ang kaso ay may kinalaman pa rin sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. Ang inaresto ay kinilalang si M.E.R. at matagal ng residente sa Lucca.

Matagal na umanong minamanmanan ng mga pulis ang iligal na gawain ng suspek hanggang sa naikasa ang operasyon.

Ayon sa mga imbestigador, nagkaroon umano ng kahina-hinalang “pattern” ang galaw ng inaresto na mas lalong nagpalakas ng kutob ng mga alagad ng batas na may hindi magandang modus na nangyayari.

Ika-20 ng kasalukuyang buwan nang muling magsimula ang routine ng tulak na muling nagorganisa ng kanyang biyahe papunta sa Barcelona. Tulad ng mga nakaraang biyahe nito ay ang paliparan ng Pisa ang napiling lugar na pagmumulan. Ngunit ang naging malaking palaisipan para sa mga awtoridad ay ang kanyang biyahe pabalik sa Italya. Sa lahat ng pagkakataong ito ay babalik ng bansang Italya ay hindi ito sumasakay ng eroplano. Bus ang napipili nitong sasakyan pabalik. Bagay na muli nitong ginawa noong ika-22 ng buwan ng Pebrero 2019. Mula sa Barcelona ay sumakay ito ng bus pabalik sa “bel paese” via Genova pabalik sa Pisa. Dito siya sinalubong ng squadra mobile di Lucca sa pamumuno ni Silvia Cascino na agad nag-utos na simulan ang mabilis at masusing imbestigasyon. Negatibo ang naging risulta ng unang normal na kontrol pagkababa ng suspek sa bus na nagsimula sa pagtatanong ng mga ilang bagay at paghanap ng mga dokumento nito. Dinala ang suspek sa Questura at dito na nakita sa kanyang dalang bagahe ang 51.2 gramong shabu na nasa isang “tupperware”, natatakpan ng karne at gulay.  Sa unang tingin ay hindi magdududa ang makakakita dito dahil sa aspekto nitong normal na pagkain. Subalit ng kanilang siyasatin pa ng maayos ang ready-to-eat na pagkain ay tumambad ang nakatagong crystalized substance na hindi na bago sa mga awtoridad. Sa isang mabilis na lab-test ay nakumpirma na ang laman ng food container ay shabu. Natagpuan din ang ilang paraphernalia na may kaugnayan sa pagkonsumo ng droga.

Ang pangalan ng suspek ay hindi na bago sa mga awtoridad dahil nakablotter na ito noong taong 2017 nang siya ay mahulihan ng shabu sa kanyang bahay sa Balbano, Lucca.

Ayon sa mga alagad ng batas sa Lucca, ang pagkakahuli sa suspek ay simula pa lamang ng mas masusing operasyon sa probinsya ng Lucca at mga karatig-bayan. Nasa Lista na umano nila ang iba pang mga taong pinaghihinalaang may kinalaman sa pagtutulak at paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Quintin Kentz Cavite Jr.

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Permesso CE per lungo soggiornanti, paano kinakalkula ang sahod?

Required salary para sa family reunification process sa taong 2019