Hindi maganda ang pasok ng Bagong Taon sa isang pinoy na residente sa Verona. Araw ng Miyerkoles, bandang alas otso ng gabi nang ang Pinoy na kababayan ay mabiktima ng isang modus ng panlilinlang. Ang may masamang loob ay isang 20-anyos na italyano.
Ayon sa mga ulat, ang biktima ay sakay ng isang bus 92 at papunta sa estasyon ng tren ng Porta Nova. Lumapit umano ang isang kapuwa pasahero at nagsimulang makipagusap. Maayos ang bungad nito kung kaya’t walang kahit na anong hinala ang pinoy. Nagtanong umano ang suspek kung may barya ng 50 euro ang biktima. Tiwala naman ang huli dahil nga marahil sa pisikal na aspekto ng kausap at isa itong italyano. Pagkakuha ng pitaka ay tiningnan nito kung mayroong pampalit sa pera ng kausap. Nagsimulang magbilang ang Pinoy ng pera at unang hinugot ang papel na 20 euro at ibinigay sa kausap. Matapos makuha ang pera ay hindi na nakapaghintay pa ang manloloko. Nagmamadaling tinangka nitong bumaba ng bus. Sinubukan itong habulin ng pinoy ngunit pinagtutulak sya nito at mabilis na nakababa ng bus at tuluyang nakalayo.
Ang tumawag ng mga awtoridad ay ang mismong drayber ng nasabing bus. Nasaksihan umano nito ang nangyari at agad na tumawag ng 112. Mabilis ang tugon ng mga carabinieri na agad dumating sa fermata ng bus. Makalipas ang ilang minuto ay agad namang natunton ang maysala at narekober ang perang ninakaw nito. Napagalaman na ang magnanakaw ay may mga dati ng kaso. Matapos masampahan ng karagdagang kaso ay dinala ito sa kulungan.
Babala ng mga awtoridad, huwag basta basta magtitiwala at huwag maglalabas ng pera sa harap ng hindi kakilala. (Quintin Kentz Cavite Jr.)