Nagkaroon ng pinsala sa ilang parte ng katawan ang isang marinerong pinoy matapos magkaroon ng sunog sa isang kompartimento ng isang barko sa laot ng Trebisacce, probinsya ng Cosenza.
Ang insidente ng sunog ay nangyari umano kung saan nakalagay ang mga makinarya sa loob ng barkong “Vessel Canneto M”, isang oil-chemical tanker na nairehistro sa Catania noong taong 2008.
Hindi nagsayang ng oras ang mga kasamahang crew ng pinoy na agad na naglapat ng paunang lunas sa biktima at humingi ng saklolo sa mga awtoriodad. Mabilis na rumisponde ang pinakamalapit na rescue team , dahilan upang agad na maapula ang apoy at naiwasang kumalat pa ito sa ibang bahagi ng barko. Nagdeklarang “fire under control” ang mga awtoridad matapos ang ilang sandali.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya ng naturang lugar, ang nangyaring episodyo ay pasok bilang isang “work-related accident” at walang nangyaring foul-play.
Agad namang dinala ang biktima sa pronto soccorso ng “Nicola Giannettasio” sa Rossano, sa Cosenza. Nagtamo ng mga paso at ilang lapnos sa balat, mga sugat sa iba’t-ibang parte ng katawan na may pamamaga ang pinoy. Dahil sa sitwasyong ito ay minabuting i-confine ang marinero para sa mas mabigyan ng kaukulang atensyon at gamot at mas mapabilis ang paggaling. Hindi pa alam kung hanggang kailan ang pamamalagi ng biktima sa nabanggit na pagamutan. Kung kinakailangan, matapos ang lahat ng check-ups, ay maaring mailipat din ito sa isang center na specialized sa mga kaso ng pagkasunog. (Quintin Kentz Cavite Jr.)