MILAN, Italy. Unti-unting lumilikha ng pangalan dito sa Milan ang fashion designer na si Roger Esteron o mas kilala sa pangalang “Corn Tailor”.
Patok kahit sa mga Italyano at iba pang dayuhan ang ikalawang fashion show ni Corn Tailor na inilunsad sa pakikipagtulungan sa Keekai group noong Marso 1-3.
Simple ngunit elegante ang kanyang mga disenyo kahit tabas ito mula sa mga mumurahing materyal at tela.
Hindi halos maka paniwala si Corn Tailor sa katuparan ng kanyang pangarap sa fashion capital of the world.
Galing siya sa mahirap na pamilya sa Balayan, Batangas . Naranasan niyang magtinda ng tubig at longganisa sa mga public parks dito sa Milan noong siya ay bagong dating pa lamang noong 2010 para makatulong sa kanyang pamilya.
Pangunahing misyon nya ang makatulong sa kanyang mga kapatid at ganap na maiahon sa kahirapan ang mga ito.
“ Ibinibili ko agad ng tela ang kaunti kong kinikita para unti-unti’ng makapag simula, nag cre-create ako ng iba’t ibang disenyo. Isang beses lang ang trabaho ko kaya walang malaking kita.” Dagdag pa ni Tailor
Ayon pa sa kanya, nagkaroon sya ng trabaho sa isang factory na pag-aari ng isang ‘itim’ kung saan kumikita lang siya ng 20 Euro sa siyam na oras na pagtatrabaho.
Ang mga naranasan nya’ng hirap ay nagsilbi pang motibasyon para lalong magsumikap. Kaya nang unti-unti’ng nang dumami ang kanyang mga nabili’ng tela, nagsimula na siyang manahi, hanggang sa tumambak na ang nagpapatahi sa kanya.
Bukod sa kanyang mga disenyo, hinahangaan din si Tailor ng kanyang mga kaibigan dahil sa kanyang dedikasyon, sipag, at pagiging mababang loob.
Matatag ang paniwala ng kanyang tinitirhan, na si Luisa Dejando Navarete na mararating ni Corn Tailor ang kanyang mga pangarap dahil sa tiyaga at pagiging mabait nito.
Pinayuhan din nya ang mananahi na kailangan lang ng tibay ng loob at panalangin sa Panginoon upang ganap na makamit ang mithiin.
Sa ngayon ay tuloy pa rin ang pagpupursige ni Corn Tailor para matupad ang isa pa niyang pangarap,…. ang mapabilang sa mga naglalakihang label sa mundo ng fashion. (ni Zita Baron at larawan ni Ruel de Lunas)