Ano po ang inyong pangalan at ano po ang inyong kasalukuyang trabaho sa Italya?
Ako si ELEGINO LUZVIMINDA PERALTA. Dumating sa Italya noong 1974. Ako, kasama ng aking mga kapatid at anak, ang kasalukuyang humahawak at nagpapatakbo ng PINOY FAST FOOD na matatagpuan sa Via Gaeta sa Roma.
Ano po ang nagtulak sa inyo upang buksan ang Pinoy Fast food?
Nakita ko ang pangangailangan ng ating mga kababayan. Mabilis ang takbo ng oras para sa ating nasa abroad. Para sa mga part-timers, nangangailangan sila ng mabilisang tugon o panakip gutom sa maghapon. Samantala sa ating mga kababayang naka live-in naman, ay ang kanilang pananabik sa pinoy food. Isang fast food o mas kilala na parang ‘turo-turo’ sa atin at hindi isang tunay na restaurant dahil nais naming tugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan sa mabilisang paraan at walang mahabang oras na nakalaan upang kumain o kahit na magluto ng kanilang kakainin.
Naging mahirap ba para sa inyo ang buksan ito?
Oo, kinailangan ng malaking puhunan di lamang sa pananalapi kunda pati sa tauhan at panahon at ito ay aking sinusubukang harapin sa araw araw. Tulad ng aking nabanggit, kinailangan ang lakas ng loob upang harapin ang hamong ito.
Ano sa palagay nyo ang naging sagot ng mga Pinoy sa pagbubukas na ito ng Pinoy fast food?
Nakita ko ang kanilang positibong pagtanggap sa serbisyong ito at inaasahan ang kanilang patuloy na pagbalik sa amin.
Nakalaan lamang ba para sa mga Pilipino ito?
Noong una ay aking inisip lamang ang mga Pilipino, ngunit nakita ko rin ang positibong pagtanggap ng mga Italians na nagtatrabaho malapit dito at binabalik balikan naman nila ang lutong Pilipino.
Ano ang maaring matagpuan dito?
Sa bawat araw ay may apat kaming menu na karaniwang pagkaing pang Ilokano, Bikolano, pati na rin sa mga Tagalog. Isang karagdagang kultura rin ito ng lutong Pilipino para sa atin gayun din sa mga dayuhang pumupunta dito.
Bukod sa mababang presyo at madaliang serbisyo, ano pa sa palagay nyo ang binabalikan dito ng ating mga kababayan?
Likas na mahilig sa musika ang mga Pilipino, kaya’t kami ay may Karaoke singing din. Isa ito sa humahatak ng mga kabataan upang balikan ang aming fast food.
May plano ba kayong palakihin ito o magbukas sa ibang lugar?
Sa ngayon ay nais muna naming pagbutihin pa ang aming mga serbisyo sa aming mga kliyente. Ngayong papalapit na ang summer, uumpisahan naming umisipi ng baging mga menu at bagong pakulo na magpapa presko sa ating mga kababayan.