Malimit na marinig sa mga balita ang iba’t-ibang episodyo ng pananakit ng mga dayuhan, lalong lalo na ngayong mga araw dahil na rin sa malawakang protesta matapos maging biktima ng rasismo sa Estados Unidos ang afro-american na si George Floyd. Ngunit hindi man lang pumasok sa isipan ng isang pinoy sa Milan ang maging isang biktima ng ganitong uri ng karahasan.
Biyernes ng gabi, ika-6 ng kasalukuyang buwan, nang mangyari ang hindi inaasahang pangyayari sa buhay ni J. Balatbat. Ang nasa trenta anyos na crew ng Mc Donald’s ay nag-aabang umano ng bus pauwi ng bahay sa may bandang Forze Armate matapos ang mahabang oras na duty sa kanyang pinagtatrabahuhan nang bigla itong mapag-initan ng aabot sa sampung mga kabataan na walang kaduda-dudang nasa ilalim ng impluwensya ng alak. Karamihan sa mga ito ay mga menor de edad pa. Banggit ang mga katagang“filippino di merda”, ay pinagtulungan ng mga ito na bugbugin ang pinoy na pinilit mang dipensahan ang sarili ay walang laban itong tumamo ng matinding tama sa katawan, at nagkaroon ng pinsala sa ilong.
Hindi naman umano bago sa kanyan ang pag-uwi ng ganoong oras dahil nasa halos sampung taon na itong nagtatrabaho sa nabanggit na sikat na fastfood chain.
Bago tinantanan ng mga nagwawalang mga kabataan ang kanilang napiling biktima ay binalaan pa itong huwag magsusumbong sa mga awtoridad. Masakit ang buong katawang umuwi ang biktima at saka ikinuwento ang buong detalye sa kanyang maybahay na nagising sa kanyang pagdating.
Kinaumagahan, matapos maisangguni sa mga kinauukulan sa tanggapan ng branch na kanyang pinagtatrabahuhan, nagtungo ang biktima sa himpilan ng mga Carabinieri at inireport ang buong pangyayari. Nabigyan din ng pangunahing lunas ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan na San Carlo hospital at nabigyan ng dalawang linggong pahinga dahil sa tinamong pisikal na sakit, pati na rin ang traumang naranasan nito. Ayon pa sa batang padre de pamilya ang dalawang linggong naitalagang pahinga nito ay hindi nya na tatapusin at handa nang bumalik sa trabaho matapos itong makapagpahinga ng ilang araw lamang. Ngunit sa kanyang pagbabalik ay mayron itong isang kahilingan sa management ng kanyang pinapasukan: ito ay ang maiwasang mailagay siyang muli sa night shift. (Quintin Kentz Cavite Jr.)