in

Pinoy na nagpamalas ng kabayanihan sa Catania, pinarangalan

Pinarangalan ni Catania Mayor Salvo Pogliese ang Pinoy na nagpamalas ng katapangan at kabayanihan sa kasagsagan ng masamang panahon sa Catania, si Celestino Floralde Jr.

Matatandaan na noong nakaraang ika-26 ng Oktubre ay nakaranas ng maltempo o masamang panahon ang lungsod ng Catania sa Sicilia, na naging sanhi ng malawakang pagbaha. 

Si Celestino Floralde Jr, ay itinuring na ‘bayani’ dahil kanyang sinagip sa gitna ng rumaragasang tubig baha ang isang ginang, si Daniela Grancagnolo, matapos tumirik ang sasakyan nito. 

Naging laman ng iba’t ibang pagbabalita mapa telebisyon at pahayagan si Celestino. Ito ay dahil sa ipinakita niyang katapangan sa pagtulong sa kapwa sa gitna ng unos at hindi niya inalintana ang panganib na maaarig maranasan.

Marami rin ang mga pribadong sektor ang nagbigay pagkilala sa kanyang kabayanihan. 

At nito ngang nakaraang Biyernes, November 12, alas 10 ng umaga ay ipinatawag siya ng butihing mayor ng Catania na si Salvo Pogliese sa Munisipyo o Palazzo dell’ Elefante kung tawagin.  

Kinilala ng butihing mayor ang ginawang kabayanihan ni Celestino sa pamamagitan ng pagkakaloob ng ng simbolo ng Catania, ang elefantino d’argento. Ayon sa mayor, ang simbolong ito ay kadalasang ibinibigay lamang sa mga Forze dell’ordine o alagad ng batas at mga kagawaran ng Protezione Civile. 

Sa naturing parangal ay dumalo din ang kanyang maybahay na si Melody Manibo at 2 anak na sina Isabella at Elizabeth. Kasama din si Ginang Grancagnolo, mga Konsehales, Assessors at mga Kinatawan ng Consulta Comunale dei Migranti na sina Arefayne Beraki, isang Eritrean at Leni Vallejo, isang Pilipina. 

Ang naturang pagkilala ay pinangunahan ng Consulta Comunale dei Migranti di Catania na syang sumulat sa mayor upang ipaalam ang naturang pangyayari.

Orgogliosi di Celestino, orgogliosi di chi antepone il senso civico a qualunque cosa, orgogliosi dei Catanesi “veri” e perbene.” Mga salitang isinulat ni Salvo Pogliese sa kanyang facebook profile. 

Minsan lamang tayong dadaan sa mundong ito, kaya dapat nating gawin ang tama” ayon kay Celestino matapos tanggapin ang parangal.

(ulat ni Leni Vallejo)

Click to rate this post!
[Total: 2 Average: 5]

Bagong paghihigpit sa mga public transportation, inaprubahan

Paggamit ng pekeng green pass o green pass ng ibang tao, ang parusa