Pintor. Isang katagang sa wari ng karamihan ay sa mga aklat na lamang ng kasaysayan makikita. Marahil ay marami din ang nagtatanong kung unti-unti na nga bang namamatay ang industriya ng pagpipinta dahil sa pagpasok ng mga makabagong teknolohiya at mukhang ang sining ng ating panahon ay nakadipende na lamang sa high-tech at digital na pamamaraan. Kung noon ay maraming mga paintings na nagpapakita ng kagandahan ng ating kapaligiran, ngayon ba ay ipababahala na lamang natin ito sa mga digital cameras?
Narito ang “inspiring story” ng isang kababayan sa Firenze.
Isang hindi pangkaraniwang araw ang sumalubong sa isang talentadong pinoy sa larangan ng pagpipinta sa Firenze.
Hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataong makapasok sa Palazzo Vecchio sa Piazza della Signoria, ang munisipyo ng Lungsod ng Firenze, at makadaupang palad ang alkalde ng isa sa pinakamahalagang metropolitan city sa bansang Italya.
Sabay sabay na pumasok sa palasyo ng alkalde ang ilang kinatawan ng CONFED Tuscany sa pamumuno ni Pres. Pabs Alvarez, kasama ang Consul ng Philippine Consulate in Florence na si Dott. Fabio Fanfani. Ang tampok sa courtesy visit na ito ay ang pintor na si Antonio Diaz Berana Jr., 45 anyos at tubong Bulacan.
Sa murang edad pa lamang ay nakitaan na sya ng talento sa pagguhit gamit ang lapis. Buong akala ng kanyang mga kapamilya ay isa lamang itong simpleng hilig sa pagguhit. Maging ang batang artist ay hindi rin masyadong binigyang pansin ang kanyang talento, hanggang sa lumipas ang mga taon at halos mabalewala ang natatanging kakayahang ito.
Taong 2013 nang dumating sa Italya si Tony matapos siyang ipetisyon ng kanyang asawa. Wala umano sa kanyang isip ang pagpipinta o pagguhit. Tulad ng mga bagong dating sa bansa ay pamamasyal ang kanyang binigyang panahon. Sa mga unang araw ng pamamalagi sa Italya ay may nakatawag pansin sa pinoy talent na ito: ang mga paintings na nakadisplay sa tabi ng mga kalsada. Ang mga katagang ito ang tumatak sa kanyang isip “kaya ko ring gawin ang mga yan“. Full support naman ang kanyang kabiyak na si Ahma at masiglang sinabi nitong “ok, ibibili kita ng mga gamit“. Dito na nagsimula ang kanyang opisyal na “paglalakbay” sa mundo ng pagpipinta.
Bagamat hindi nagkaroon ng pormal na paghahanda at pagsasanay, magaan ang mga kamay ni Tony sa paggamit ng charcoal sa canvass. Ang kanya ay tunay na masasabing purong talento.
Saka rin lamang umano nadiskubre ni Jon na sa kanilang malawak na pamilya ay may iba pang mga may hilig sa pagpipinta kabilang ang ilang mga tiyuhin.
Noong mga araw na wala pang stable na trabaho si Jon ay nagsimula siyang magpinta. Ang paboritong subject nya ay ang kanyang asawang si Ahma. Matapos ang ilan sa kanyang mga naunang likha ay nagsimula na siyang gumawa ng mga paintings na regalo sa mga kaibigan sa tuwing may mga mahahalagang okasyon. Dahan dahang nakilala ang kanyang husay sa pagguhit.
Ilan sa kanyang mga paintings ay requested ng tanyag na pamilya ni Stefano Ricci, ang may-ari ng italian luxury lifestyle brand. Mabait umano ang pamilyang ito na nagbigay din sa kanya ng mga gamit sa pagpipinta. Dito na nagsimula ang kanyang pagiging abala sa pagpipinta. Kalimitan ang mga obra ay order ng mga kakilala para ipanregalo sa mga kamag-anak sa mga kaarawan, sa panahon ng pasko, binyag, at para sa iba pang okasyon. Pumasok na rin sa eksena ang iba pang mga pintor, hanggang sa mapasama na rin si Jon sa mga art groups.
Nang lumaon ay may mga nagsimulang humiling na itanghal ang kanyang mga obra sa isang exhibit. Ang kanyang una ay ginawa sa Firenze at pinamagatang FACES. Ito ay idinaos sa Bar Santo Spirito, isang art gallery bar. Naging isang malaking hakbang ang tagumpay na ito ng exhibit. Sa kanyang pagsisikap ay nadevelop ang personal na istilo na hyper-realism – high contrast, medyo malaki ang size at realistic na walang background. Marami ring siyang natutunan sa panonood sa mga youtube videos, sa mga suhestyon ng mga kaibigan sa facebook, mga pintor, at maging sa mga nakilala niyang mga tattoo artists. Nagpunta rin siya sa mga art stores, nagmasid masid at nagbasa ng mga librong maaring maging tulong sa kanya upang mas lalong madevelop ang talentong taglay sa pagguhit.
Tulad nang nabanggit, nagkaroon ng courtesy visit si Jon sa tanggapan ng alkalde ng Firenze na si honourable Dario Nardella. Laking sorpresa ng butihing mayor nang iabot ni Jon ang kanyang obra na painting ng profile ng sindaco na naka kwadro at may sukat na 50cm x 70cm. Ang regalong ito ay tinapos ng artista sa loob ng halos anim na oras. Sa tuwa ng alkalde ay hindi nito naiwasang kunan ng larawan ang handog ni Jon sabay sabing ipapakita niya ito sa kanyang mga kakilala.
Bakas naman sa mukha ng pintor ang kasiyahan. Umani ng papuri ang kanyang dalang obra. Mas lalo umano niyang pagsisikapan na mas mapaunlad pa ang angking talino dahil ayon sa kanya, kahit na raw may likas na talino ang isang tao sa larangan ng sining, kinkailangan pa rin ang puspusang pagsisikap bago tuluyang matamo ang kapakipakinabang na bunga. Kung gusto mo ay kaya mo. Kumbaga sa obra, ang artista ang guguhit sa sariling kapalaran. Kinakailangan lamang ang positibong pananaw sa buhay. (Quintin Kentz Cavite Jr.)