Kung sakaling makapulot ka ng nawawalang pitaka na may lamang malaking halaga, isasauli mo ba ito sa may-ari o aangkinin mo na lamang ito at gagamitin ang pera sa personal mong pangangailanan? Marahil ang katanungang ito ay sumagi sa isipan ng karamihan sa atin. Sa tunay na buhay, hindi maiiwasang maharap tayo sa tukso lalo nakung pera ang paguusapan. Ngunit kung tunay na may pakialam tayon sa kapwa tao ay siguradong mananaig ang kabutihan sa ating kalooban.
Sa panahong ito na kaliwa’t kanang negatibong balita ang ating nababasa, napapakinggan, napapanood at natutunghayan ay may ilan pa ring mga episodyong maaaring maging inspirasyon nating lahat.
Tulad na lamang ng isang maipagmamalaking balita na lumabas sa mga pahayagan sa Modena sa mga araw na ito kung saan naging usapin ang hindi pangkaraniwang ginawa ng isang filipino concerned citizen.
Ayon sa mga ulat, biyernes ng hapon , ika-11 ng buwan ng disyembre taong kasalukuyan nang makapulot ng nawawalang wallet ang isang pinoy na may ginintuang puso. Habang naglalakad sa may via Tamburini ay natawag ang pansin nito ng isang pitaka sa kalsada. Maliban sa mga mahalagang dokumento tulad ng mga bank cards at driver’s license ay may laman din itong 1500 euro! Hindi nagdalawang isip ang pinoy na ireport sa mga awtoridad ang pangyayari at humingi ito ng tulong upang mahanap ang sawimpalad na nawalan ng pitaka. Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang mga pulis upang tukuyin at hanapin ang mayari nito. Matapos suriin ang mga dokumento, napagalaman na ang nawawalang pitaka ay pagmamay-ari ng isang georgian national. Nang kanilang tawagan ay hindi umano ito marunong magsalita ng italyano, ngunit natunton din ng mga awtoridad ang ina nito sa pamamagitan ng tessera sanitaria na kasama ng mga dokumentong laman ng wallet. Ang ina ay nakatira at nagtatrabaho sa Reggio Emilia. Laking pasasalamat nito dahil hindi umano nila inaakalang maisasauli pa ang nawawalang pitaka lalo na at malaki ang lamang pera nito na nakalaan sa pagpapagamot sa maysakit na ama.
Ang kabutihang ginawang ito ng pinoy ay labis na ikinatuwa ng mga awtoridad at nagpahayag ang mga ito ng pasasalamat sa nakapulot na pinoy na nagtatrabaho sa isang simbahan bilang caretaker. Ang kanyang ginawang kabutihan ay isa umanong bagay na dapat pamarisan at maging inspirasyon ng lahat. (Quintin Kentz Cavite Jr)