Siyam na mga Pilipino ang napiling lumahok sa prestihiyosong Florence International Biennale for Contemporary Art. Isa sa kanila ang nag-uwi ng 2nd place International Award “Lorenzo il Magnifico” Textile art category.
Florence, Nobyembre 9, 2015 – Nag-uwi ng parangal ang isang Pilipino sa ginanap na 10th Florence International Biennale for Contemporary Art sa Spadolini Pavilion Fortezza da Basso kamakailan.
Ang 2nd place International Award “Lorenzo il Magnifico” Textile art category ay inuwi ni Raffy T. Napay, isang isang Pilipino buhat sa Singapore, sa ginanap na awarding ceremony.
Higit sa 1300 ang mga obra maestro ng 423 artists sa mga kategoryang Painting, Sculture, Installation, Works on paper, Mixed media, Photography, Digital art, Ceramics, Textile art, Jewelry art at Video art buhat sa 62 bansa ang hinangaan ng halos 10,000 visitors ng nasabing art exhibit.
Siyam na Pilipino ang mapalad na napiling makasali sa prestihiyosong Biennale. Sila ay sina Joe Datuin (Philippines), Allanrey “Migz” Salazar (France), Melbourne “Burn” Aquino (Singapore), Ej Cabangon (Singapore), Romina Diaz (Singapore), Raffy T. Napay (Singapore), Gromyko Semper (Singapore), Jose Tence Ruiz (Singapore) at Iggy Rodriguez (Singapore).
Matapos ang mahabang proseso ng pagsusuri, ay bingyang parangal ng mga hurado ang mga napiling nagwagi sa bawat kategorya noong Oktubre 25, 2015.
Si Raffy T. Napay ay nagtapos ng Fine Arts (o Belle Arti) noong 2009 sa Eulogio ‘Amang’ Rofìdriguez Institute of Science and Tecnology (EARIST). Nanalo ng Metrobank Art & Design Excellence Awards noong 2008. Noong 2008, 2012 at 2014 ay pinarangalan naman bilang Juror’s Choice Awards of Excellence sa Philip Morris Art Award. Taong 2013 ay tinanggap ang prestihiyosong titolo ng Ateneo Art award bilang contemporary artist. Ang unang mga masterpiece ni Napay ay pawang personal na nauugnay sa kanyang pamilya, karanasan at kinalakihan. Nagkaroon ng limang exhibit kung saan ang 1 dito ay ang kanyang international exposure sa Art fase of Singapore noong 2015.
Si Joe Datuin ay isang contemporary Filipino sculptor. Kilala sa kanyang mga obrang abstract gawa sa metal. Isa sa mga ito ay nagwagi ng grand prize noong 2008 sa International Olympic Committee. Ang ilan sa kanyang masterpiece ay nasa National Museum of the Philippines, sa GSIS Museo ng Sining at sa maraming mga Embahada at Konsulado ng Pilipinas sa buong mundo. Si Datuin ay maituturing na dalubhasa sa stainless steel sculpture na karaniwan ay simpleng mga hugis pabilog ang ginagamit. Sa katunayan ay pambihira ang arrangement ng mga ito ito at tila nagbubuhat sa lahat ng angolo. Ang kanyang ipinanalo sa Olympic Committee ay gawa sa limang bilog, halintulad ng Olympic symbol.Ang pagkakadugtong-dugtong ng mga ito ay nagmistulang dragon na angkop sa Beijing Olympics.
Sa Florence Biennale ay ‘Special delivery’ ang pangalan ng kanyang obra. “This is about the illegal and contentious garbage importation in the Philippines“, ayon kay Joe.‘No to imported trash’, tulad ng mababasa sa suot na t-shirt ni Joe. “Ito ay isang reyalidad sa ating bansa, Maraming bansa tulad ng Canada na nagpapadala ng mga container na nagtataglay ng lahat ng uri ng mga basura, kasama na dito ang mga toxic wastes, used injections, expired medicines at marami pang iba na itinatapon sa mga probinsya na nakakasama sa kalusugan at nagiging sanhi ng karamdaman ng mga mamamayan bukod pa polusyon sa pagkain, tubig, hangin na malaki ang epekto sa ikinabubuhay ng mga magsasakay at mga mangingisda”, ayon sa paliwanag ni Joe. At kahit na imported ay ‘basura’ pa rin ang tema nito, kung saan makikita sa bawat gilid ng kanyang obra ang maraming nagkalat na insekto at isang daga sa ibaba nito . Sa katunayan, siya ay may suot na musk sa araw ng exhibit.
Si Allanrey ‘Migz’ Salazar ay isang Filipino contemporary artist na naninirahan sa Paris, France. Tatlo ang mga paintings ni Migz: The Last Wish of the Dying Luzviminda at The Voice – Don’t be Evil at Evil will prevail, if good men do nothing. Malalim ang mga mensahe ng mga obra ni Migz. Hindi ito dapat tingnan batay sa nakikita lamang ng mga mata kundi ang hatid na mensahe nito matapos matitigan at pagnilayan ang mga ito. Ang pakikibaka, pananampalataya, tadhana, pag-asa at kinabukasan: ito ang mga hatid na mensahe ng kanyang mga paintings na dapat makita sa likod ng cultural rebellion, social and political revolution. Mensahe ni Migz ang suriin at harapin ng bawat indibidwal ang katotohanan at ito ang magpapalaya sa bitag na nakabalot sa leeg ni Luzviminda. “Di ba tama naman, Evil will prevail, if good men do nothing. Kaya ito ay isang panawagan sa lahat na ngayon ang simula, hindi bukas at huwag pakinggan ang bulong ng kasamaan bagkus ay pakinggan ang tulak na huwag maging masama – Don’t be evil” , pagtatapos ni Migz.
Filipino Community sa Florence
Samantala, mainit naman ang naging pagtanggap at pagsuporta sa mga Pinoy artists ng mga Filipino overseas na residente sa Florence, sa pangunguna ni Honorary Consul Fabio Fanfani. Sa katunayan, sa tulong ng mga aktibong leaders sa Florence, ay pinarangalan ang mga artists dahil sa karangalang ibinibigay ng mga ito sa bansang Pilipinas at mga Pilipino sa buong mundo.
Ang Florence Official Emblem ay iginawad kina Joe Datuin at Allanrey “Migz” Salazar na nakapiling sa araw ng parangal, Oktubre 22.