Nakamit ng isang Pilipino ang unang puwesto ng pagkapanalo sa ika-tatlong edisyon ng Like A Star na ginanap sa NUMA Club Bologna nung ika-30 Hunyo 2020.
Ang nagwagi ay si Nico Hidalgo aka Settimo, 26 na taong gulang, tubong Alaminos, Laguna, at may 16 na taon nang naninirahan sa Bologna, Italy.
Mula sa 30 participants na kinabibilangan ng mga mangaawit at mga mananayaw na mula sa ibat ibang parte ng Italya, si Nico Hidalgo (Settimo) ay isa sa mga napiling makarating hanggang sa finals. Siya ay napiling hawakan ng coach na si Riccardo Ruiba, isang sikat na dancer at choreographer sa buong Italya, nagmamay-ari ng Ruiballet School Bologna at gumaganap ding choreographer ng sikat na mangaawit na Italyana na si Laura Pausini.
Ang patimpalak ay nagsimula nung Oktubre 2019, kung saan kada buwan ay may nababawas na isang kasali base sa boto ng mga manonood at sa score ng mga judges o hukom. Kabilang sa mga judges ay ang mga sikat na Italyanong Record Producer at Composer na sina Fio Zanotti at Daniel Vuletic. Ang mga organizers ng nasabing patimpalak ay sina Martina Toninelli at Mriko Licciardo.
Ang kinanta nya nung finals ay ang mga awiting I Will Always Love You at Pensieri ed Inchiostro na sinabayan ng pagtugtog ng piano ni Federico Schintu.
Ayon kay Nico Hidalgo (Settimo) ang kanyang masasabi sa mga ibang Pilipino na may talento ay “share nila un talento na binigay sa kanila ni God, lalo na po sa mabuting paraan, at isa ko pa po maippayo ay wag nating ikahihiya itindig ang ating bandila, bagkos ay ipakita sa mundo ang ating talento.” (Elisha Gay C. Hidalgo)