Pilipino ang nagwagi sa ginanap na photography workshop at contest sa Milan kung saan 9 na bansa ang naglaban-laban.
Milan, Enero 20, 2016 – Isang Pilipino ang nagwagi sa isang photography workshop at contest sa Milan. Siya ay si Marvin Gale Nolasco isang event photographer at portinaio, 37 taong gulang.
Ang nasabing photography workshop, na nasa ikalawang taon na, ay tinawag na “Ri-SCATTI, Milano melting pot ” na ginanap sa PAC Milan, via Palestro.
At para sa taong ito ay itinuro sa mga lumahok ang paggamit ng natural light na isang alternatibo para sa isang litratista kung walang dalang artificial flash.
Ayon kay Nolasco, ang kanilang mga maestro ay mga nanggaling pa sa grupo ng National Geographic Italy at iba pang mga batikang photographers hindi lamang buhat sa Milan, kundi sa buong Italya.
“Iisang brand at modelo ng camera at lente ang ipinagamit sa amin“, kwento pa ng litratista.
Siyam na bansa na kinabibilangan ng Italy, Senegal, Argentina, France, Romania, Egypt, Spain, Sri Lanka at Pilipinas na bawat bansa ay may dalawang koponan.
“With the 18 people who attended the workshop, we have come up with the best project and that was Marvin’s project”, wika ni Gianmarco Maraviglia, Director/Photojournalist isa sa mga hurado.
Sinabi pa ng director na hindi madali ang pagpili sa mga projects ng bawat isa dahil lahat ng mga ito ay magaganda ang kuha at may mga significance. Dahil na rin ito sa temang ibinigay sa kanilang lahat na tungkol sa pamilya at kultura ng bansang kanilang pinaggalingan.
17 puntos ang nakuhang boto sa project ni Nolasco, samantala pumangalawa ang bansang Argentina na 11 puntos at pangatlo ang bansang Egypt na mayroon 8 puntos na boto mula sa sampung hurado.
Isa sa winning photos ni Nolasco ay ang kuha ng kanyang anak na si Amber Zoe na nakaupo sa harap ng kanyang laruang planstahan na naging dramatic dahil sa refection ng natural light na nagbigay liwanang sa mukha ng bata.
“Hindi porke’t mayaman ka, masaya ka na, sa mundo ng bata, hindi porke’t maraming laruan ibig sabihin masaya na at meron pa rin lungkot ang nadadama”, ani ng kampeon sa kanyang interpretasyon sa larawan na iyon.
Gayunpaman, hindi umano ipagpapalit ni Nolasco ang kanyang kasalukuyang trabaho bilang isang portinaio kung sakaling bibigyan ng pagkakataong magtrabaho sa kumpanya ng mga organizers, ang “Ri Scatti”.
“Unang-una hindi ko alam kung papaano gumalaw sa mundo nila, tulad ng madalas nilang paglalakbay sa anumang sulok ng mundo, hindi puwede sa akin dahil mayroon akong apat na anak,” katwiran ni Nolasco.
Sa panig naman ng “Ri Scatti” ay bukas umano ang pintuan nito at sosoportahan si Nolasco para sa anuman projects na binabalak nito.
Nagkahilig si Marvin Gale Nolasco sa photography noong 2010, at sa pag sama-sama niya sa mga kilalang event photographers sa Milan ay pinag-aralan niya ang mga techniques ng photography hanggang sa hindi nagtagal ay isa na rin siyang part time event photographer maliban pa sa kanyang kasalukuyang regular na trabaho.
Siya din ay sumanib sa grupong United Pinoygraphers Club o UPC sa Milan at doon lumawak ang kaalaman sa laraangan ng photography.
“Unang-una, ang naging inspirasyon ko dito sa workshop, ay ang aking pamilya lalung-lalo na ang aking asawa na si Joan Rigor na sumuporta sa akin, at sa kanila ko inaalay ang tagumpay na ito”, pagwawakas ni Nolasco.
Ulat ni Chet de Castro Valencia