Arestado ang isang Pinoy na umanoy tulak ng droga o pusher sa ikinasang raid ng isang anti-drug special team ng Padova Municipal Police.
Biyernes ng madaling araw, ika-14 ng kasalukuyang buwan, nang pasukin ng mga awtoridad ang bahay ni S.M.D.V, 47 anyos at residente sa via Beato Pellegrino.
Sa isinagawang search operation, nasamsam ang dalawang sachet ng hinihinalang synthetic drug o mas kilala sa tawag na shabu, marijuana at mga kasangkapan sa pagrerepack ng droga.
Ayon sa mga natanggap na detalye ng mga nagsagawa ng raid, ginagamit din na drug den ang kanilang bahaykung kinakailangan.
Ang suspek ay nasa drug watchlist at minamatyagan na ng mga pulis ng ilang linggo na. Nang makasigurado na ang mga ito sa tulong na rin ng isang reliable source, hindi na umano sila nagatubiling isagawa ang pag-raid sa bahay ng tulak.
Sa ika-7 ng disyembre mahaharap sa husgado sa Padova ang naarestong pinoy, ngunit habang siya ay naghihintay na sumapit ang nabanggit na araw ay hindi niya maaaring lisanin ang kanilang lugar at obligadong magpunta sa opisina ng mga pulis araw-araw. Ipinagbawal din ang lumabas ng kanyang bahay mula alas otso ng gabi hanggang alas sais ng umaga. Hindi na umano bago ang mukha ng pinoy sa mga awtoridad dahil nagkaroon na rin ito ng parehong kaso dalawang taon na ang nakakalipas. Sa pagkakagtaong ito maaring makatanggap ang tulak ng madaliang pagpapauwi sa bansang Pilipinas.
Quintin Kentz Cavite Jr.