Arestado ng mga carabinieri ng Nucleo Radiomobile di Roma at ng Compagnia San Pietro, ang isang Pinoy pusher, matapos ang tila isang film na tugisan na nagsimula sa piazza Irnerio hanggang sa Circonvallazione Cornelia sa Roma kamakailan.
Ayon sa mga report ng pulisya tinakasan ng Pinoy sakay ng isang high-cylinder motorcycle ang checkpoint ng Carabinieri sa Piazza Irnerio. Mabilis umanong iniliko ang motor, hindi huminto sa ‘alt’ ng carabinieri at pinaharurot ang motor upang makatakas.
Pagdating sa Circonvalazione Cornelia ay mabilis na iniwan ng 32-anyos ang motor at nagsimulang tumakbo papalayo. Subalit nahuli ito ng isang Marshal ng Carabinieri ng Compagnia Roma San Pietro, na sa sandaling iyon ay wala sa duty at naka-sibilyan. Naging mas madali para sa Marshal ang subaybayan ang pagtakas ng Pinoy at ang mahuli ito.
Sa compartment ng motor ay natagpuan ang 15 gramo ng shabu.