Malungkot ang pagtatapos ng araw ng sabado, ika-30 ng buwan ng Enero sa isang kababayang rider. Dead on the spot ang biktima matapos mabundol ng isang kotse sa Montecatini.
Malagim ang sinapit ni R.S.A., isang 47-anyos na pilipino matapos itong mabundol ng isang mabilis na sasakyan.
Ayon sa report, ang biktima ay nasa oras ng trabaho bilang isang rider na nagdedeliver ng mga order na pagkain. Bandang alas otso kinse nang ito ay tumawid ng kalsada matapos maipark ang kotse sa isang malapit na gasolinahan. Papunta umano ito sa Mcdonalds sa Montecatini Terme upang kunin ang order at ihatid ito sa bahay ng kliyente. Kasabwat ang malakas na ulan at ang madilim na kalsada, at marahil ang sobrang bilis ng takbo ng puting mercedez benz, ay nabundol ang nasabing rider. Naging sanhi ito ng pagtilapon ng biktima ng ilang metro.
Agad namang rumisponde ang rescue team ng Soccorso Pubbblico di Montecatini. Isa sa mga kasamahan ng team ay pilipino at malungkot nitong isinalaysay ang eksenang kanilang nadatnan. Ginawa umano ng buong team ang lahat, gamit ang mga makabagong kasangkapan ngunit idineklara na dead on the spot ang biktima.
Sa pagdating ng mga alagad ng batas ay agad na isinara ang kalsada at sinimulang imbestigahan ang nasabing insidente. Samantala, lumabas na negatibo sa alcohol test ang nagmamaneho ng nakabundol na kotse. Masusi pa ring pinagaaralan ng mga carabinieri ang lahat ng angulo ng pangyayari. Hindi pa rin matanggap ng pamilya ang sinapit ng kanilang mahal sa buhay.
Nagluluksa ang buong komunidad ng mga Pilipino sa Montecatini Terme dahil sa malungkot na balitang bumulaga sa lahat.
Ang nasawi ay miyembro ng RGI Alakdan GUARDIANS at kilala bilang Master Founder Alas.
Paalala ng mga awtoridad sa mga motorista, maging maingat sa pagmamaneho lalo na kung masama ang panahon. Dobleng ingat naman sa pagtawid ng kalsada sa lahat ng oras. Patuloy na i-apply ang kilalang safety rules na “Stop, Look, and Listen”. (Quintin Kentz Cavite Jr.)