Sa ika-18 serye ng Emporium Armani Milan Marathon umabot sa mahigit walong libong mga runners ang lumahok sa 42 kilometers run o ang full marathon competition.
Nagtipun-tipon ang mga runners sa may kahabaan ng Via Palestro kung saan doon matatagpuan ang starting at finish line.
Hindi lamang mga Italyano ang lumahok sa nasabing sports kundi pati ang mga ibang lahi tulad ng mga tiga Kenya, Etiopia, Romania, Germany, China at iba pa, at kasama din ang mga 30 pinoy na active members ng grupong “Pinoy Runner Milan” sa pamumuno ni Gary Eden.
Isang oras bago mag-umpisa ang takbuhan ay nagdasal muna sila at humingi ng gabay sa Diyos na matapos nila ang buong race na ligtas sa anumang kapahamakan.
At pagkatapos nito ay nag warm sila bago nagtungo mismo sa starting line sa Via Palestro.
Mahigit sampu lamang sa kanilang grupo ang lumahok sa nasabing palakasan dahil mayroong mga trabaho kahit linggo.
Eksaktong alas 9 ng umaga nagtakbuhan ang mga manlalahok. At base sa datos ng RSC Sports Milan, para sa male marathon competition, ang time record ng Kenyan national Edwin Koech para sa 42 kilometer run noong 2017 ay 2 hours 7 minutes na kung kumpara sa kasalukuyang record ng 2hours 9 mins na sinungkit ng Ethiopian national Tura Seifu Abdiwak.
At para sa female marathon competition nakuha ni Kenyan national Lucy Kabuu Wangui na may oras ng 2 hours 27 minutes.
Sa grupo ng mga pinoy si Casey Vitrucio ang naunang nakatawid sa finish line na may 3 hours at 29 seconds base sa talaan ng RCS sports Milan.
Gayunpaman ay masaya ang buong grupo na natatawid sa finish line kahit na na-orasan sila ng mahigit 3 hours.
“Medyo nag crumps ako 35 to 36 kilometers pero tinuloy ko naman dahil malapit naman mabuo ang 42k, so deretso lang kasi yon ang sinabi ni coach Leo” masayang tugon ni Vitrucio.
“Nag crumps din ako within 40 kilometers pero tinuloy ko pa rin in slow pasing” wika naman ni Joselle Rubia
“Napakaganda ngayon ng corsa nila, support ng mga tao pagdating sa pagbigay ng tubig during the run, pagkain, kumpleto, overall 100% maganda.” Ayun naman kay Reynaldo Cabrera Jr.
“Smooth, nahirapan din pero kaya naman.” Ani Reizel Collado
Dagdag pa ng grupo, mas maganda ang panahon nung araw ng marathon dahil katamtaman lang ang kalma ng panahon.
Bawat miyembro ng Pinoy Runners Milan na lumahok sa Marathon at Relay event ay nakatanggap ng mga medalya sa kanilang pagtawid ng finish line.
Samantala patuloy pa rin ang paghikayat ni Eden sa mga kababayan natin na sumali sa kanilang grupo.
“Kaya namin ito ginagawa at binuo ang grupong ito kasi nga hindi lang naman tayo puro trabaho, meron din ibang option kasi nakita ko yong kalusugan ay importante din yun kaya hikayatin kayong lahat, at least man lang mag-jogging or sumali sa mga ganitong event, kasi sa marathon talaga, nirerepresent namin ang Pilipinas, napakalaking bagay yun sa atin mga kababayan sa Milan at sa buong mundo.”
Pagkalipas ng ilan araw matapos ang full marathon na ginanap sa Milan, ay sumabak naman ni Reizel Collado (Pinoy Runners Milan) sa isang “Trail Run” na binubuo ng mahigit 125 kilometer run at nilahukan din ng mga iba’t ibang runners hindi lamang sa bansang Italy kundi sa mga iba pang bansa dito sa Europa.
Si Collado ang kauna-unahan pinoy na sumali sa ganitong uri ng takbuhan.
Chet de Castro Valencia