in

Pinoy, sinagip ang nalulunod na dalagita sa Fregene

Isang kabayanihan ang ipinamalas ng isang Pilipino na sa kabila ng malalaki at malalakas na alon ay nagawa nyang sagipin ang nalulunod na dalagitang Italyana. Siya ay si Joel Rualizo, may 42 gulang na mas kilala sa pangalang “J’Lord”. 

Si J’Lord ay tubong San Vicente, Ilocos Sur at naninirahan sa Roma. Sadyang kanyang kinahiligan ang dagat simula pa ng pagkabata. Taglay nya hanggang sa Italya ang pagiging mandaragat. Naghahagis sya ng lambat, namimingwit at nangunguha ng tahong kapag napapanahon kasama ang mga kaibigan.

Linggo ng Hunyo 8 ng magdesisyon silang magtungo sa Fregene, ilang kilometro ang layo mula sa syudad ng Roma, isang lugar na dinadayo ng mga mahihilig magpalipas ng oras sa dagat. Isang araw na hindi kalmado ang dagat at saksi ang malakas na alon na humahampas sa mga bato na kung saan sila nakapwesto kasama ang mga kamag-anak. 

Tumawag ng pansin ang isang inang nagsisisigaw at humihingi ng saklolo na kung saan ang kanyang tatlong anak ay natangay na ng alon papalayo sa kati. Dalawang babae at isang bunsong lalaki ang sa oras na yun ay nasa panganib ang mga buhay. Dalawang Italyanong binatang lalaki ang sumaklolo sa dalawang bata at ang panganay na babae ang pinakamalayo ang nagawang sagipin ni JLord. Mula sa batuhan na kanilang kinapupwestuhan, hindi na sya nagdalawang isip at duon na tumalon at lumangoy papunta sa nalulunod na dalagita.

“Hindi ko na inisip ang malakas na hampas ng alon at mga batong pwede kong pagbaksakan basta tumalon na lamang ako para sagipin ang dalagita. Kahit may kalayuan mabuti na lamang at paayon ang alon at hindi kontra sa aking paglangoy kaya madali kong narating ang kinaroroonan ng dalagita.”

Laking pasasalamat ng mga magulang ng mga bata sa mga sumaklolo sa kanilang mga anak, kabilang na ang ating magiting at maipagmamalaking si J’Lord. 

Sadya lang talagang nauukol ang pagkakataon, sa panahon ko dito sa Italya ay nuon lang ako nakapunta sa Fregene at huling sandali na namin napagdesisyunan na duon kami magpunta.”

Si Jlord, isa ding manlalaro ng basketball, ng volleyball, manghihilot, maraming kaibigan at higit sa lahat, isang bayaning matatawag. Sinong hindi makakakilala sa kanya?

Sa panahon ngayon na pawing mga negatibo ang balita, pandemia, shaboo, nakawan, scam, 5-6 atbp. Taas noo nating ipagmalaki ang mga kababayang Pilipino na nagpapakita ng tunay na tapang, lakas ng loob at laging handa sa pagtulong malagay man sa panganib ang sariling buhay. (Teddy Perez)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Pinoy na crew sa kilalang fastfood chain, biktima ng pambubugbog

Asylum Seeker, maaari bang mag-aplay ng Regularization?