Isang snatching incident ang nangyari sa Roma noong ika-3 ng Setyembre ganap na ika- 6 ng umaga sangkot ang isang 53 anyos na Pinoy na si G.P. B., isang trabahante sa isang ristorante sa Roma.
Batay sa isinagawang pagiimbestiga ng mga awtoridad, isang 81 anyos na babae ang naglalakad papasok sa tirahan ng kanyang anak nang bigla na lamang may sumulpot mula sa kanyang likuran at sapilitang inagaw ang dala nitong bag na naglalaman lamang ng kanyang mga personal na kagamitan at kaunting pagkain. Mabilis at biolento ang pangyayari na naging dahilan upang ang biktima ay bumulagta at magtamo ng matinding pinsala sa kanyang pemur. Agad na rumisponde ang isang team ng 118 na nagdala sa pinakamalapit na ospital sa naghihinang biktima.
Sa pakikipagtulungan ng Commissariato Borgo sa pangunguna ng kanilang director na si Moreno Fernandez, agad na natukoy ang nasabing snatcher matapos nilang suriin ang lahat ng anggulo ng nasabing insidente. Malaking tulong sa imbestigasyon ang presensya ng mga pribado at pampublikong cctv sa lugar ng pinangyarihan. Sa mga cctv, makikita ang isang lalaki sa labas ng istasyon ng metro ng Cipro na naka jeans, sweater, at knapsack at pabalik balik na naglalakad sa may istasyon ng Metro na waring nagaabang ng kanyang biktima. Ilang saglit pa ang limipas at nakita namang dumaan ang isang matandang babae na naglalakad patungo sa bahay ng kanyang anak sa via Giorgio Scalia. Sinundan ito ng snatcher at sa puwersahang pag-agaw ng bag ay biyolentong itinulak ang matanda na bumagsak sa kalsada. Ilang araw ding nagmatyag ang isang special team ng mga pulis sa lugar na pinangyarihan. Bandang hapon ng linggo, ika-9 ng setyembre ay muling lumitaw ang pinoy suot pa rin ang kasuotan ng mangyari ang krimen.
Agad na inaresto ang 53 anyos na magnanakaw at dinala sa police station at doon inamin nito ang kanyang ginawang pagnakaw sa matanda. Ayon sa kanya siya ay napilitang magnakaw dahil marami siyang kailangang bayarang pagkakautang dulot ng pagkakalulong nito sa sugal. Ayon sa mga pulis, malinis ang record ng suspek at ito ang unang mantsa sa kanyang record. Wala din umano itong permanent residence.
Samantala, malaki ang pasasalamat ng biktima sa mabilis na naging risulta ng imbestigasyon at pagkakahuli sa walang pusong magnanakaw. Ang matanda ay nasa ospital pa rin at nangangailangan ng isang operasyon na lalong magpapatagal ng kanyang pananatili sa hospital. Kasalukuyan namang nakakulong ang arestadong snatcher sa Regina Coeli sa Roma at sinampahan na ng kaukulang kaso.
Quintin Kentz Cavite Jr.