Hindi nakapag move on, tinakot ang dating nobya.
Roma, Oktubre 1, 2012 – Isang Pinoy stalker ang inaresto kamakailan. Ito ay matapos lumikha ng isang pekeng profile page sa isang sikat na social network sa ilalim ng pangalan ng kanyang dating nobya. Isang Filipino, 37 taon gulang at residente sa Roma, ang hindi nakayanang mag move on, matapos ang isang relasyon. Naging patuloy ang pagpupumilit sa komunikasyon ng Pinoy, sa pamamagitan ng mga text messages at tawag sa telepono hanggang sa umabot ang mga ito sa pananakot at publikasyon ng mga ‘private videos’ habang mag nobyo pa ang dalawa.
Matapos matuklasan ng dalaga ay mabilis na ini-report ang mga ginawa ng binata sa Commissariato Villa Gori na noong una ay tila handang tanggapin ang kanilang hiwalayan. Ayon sa mga report, ay sinubukan din ng dalagang kausapin at hingin ang kopya ng mga ‘private videos’ sa maayos na usapan, ngunit ang binata ay hindi sumang-ayon.
Naging patuloy ang paglalà ng mga pangyayari sa paglipas ng mga araw. Nagpalit ng numero ng dalaga ngunit sa employer naman tumatawag ang Pinoy at ginagawang panakot ang video na hawak nito. Nag-upload na rin ng mga litrato ang Pinoy sa fake na account ng dalaga. Ang Pinay, sanhi ng matinding takot ay lumapit sa awtoridad upang humingi ng tulong at proteksyon.
Isang imbestigasyon ang isinagawa sa pangunguna ni Dr. Giuseppe Rubin. Isang raid ang isinagawa sa tahanan ng binata at doon ay nakita ang dalawang telepono at isang computer na nagtataglay ng mga litrato ng dalaga. Mabilis namang ipinadala ang mga ito sa awtoridad at hiningi rin ang pagtatanggal ng pekeng profile sa social network ng dalaga. Ang binata ay sinampahan ng kasong stalking.