Homesick? Ikain niyo na lang ng fishballs, barbeque, balut, halo-halo at iba pang karaniwang pagkaing pinoy, ayos na ayos na!
Milan, Agosto 25, 2015 – Sa Milan, isang park ang dinadayo ng mga kababayan natin lalo na sa panahon ng tag-init, at doon muling matitikman ang mga lutong pinoy mula sa mga tinutusok-tusok na pagkain hanggang sa mga pagkain na kadalasang ibinebenta sa mga karinderya sa Pilipinas.
Ayon kay Mang Bonifacio, halos araw-araw ay dumarating umano ang kanyang mga order na fishballs mula sa Pilipinas. Maging ang mga rekado sa paggawa ng sawsawan. “Unang produkto ng mga Pilipino sa bansa ng mga italiano, gawa ng tunay na pilipino” wika ni Mang Bonifacio. Dagdag pa niya, ang salsa na galing sa Pilipinas ay epektibo. Ito aniya ay panggamot ng sipon at paghihina ng katawan. “Mayroon itong vitamin C, B1, B2”, na tila pang commercial na kwento sa Ako ay Pilipino.
Sa kabilang banda, si Aling Minda, ay nagbebenta naman ng barbeque. Bukod pa dito ay mayroon din siyang bentang home made hotdog gawa ng kanyang anak na kuhang kuha ang lasa ng hotdog natin sa Pilipinas. “Gawa ng anak ko yan, kasi dati siya nagtratrabaho sa isang kilalang paggawaan ng hotdog sa atin”, ani ni Aling Minda.
Ang iba namang mga tindera katulad din nina Mang Bonifacio at Aling Minda ay hindi nagsasayang ng panahon sa kanilang pamamalagi sa ibang bansa. Sa oras at araw ng kanilang bakante ay nagtitinda sila at teamwork din ng mga mag-anak. Sila ay tulong tulong din, lalo na’t walang mga pasok ang kanilang mga binata’t dalaga, sila na mismo ang namamahala habang nasa mga regular na trabaho ang kanilang mga magulang.
Isang tindero naman na ayaw ipabanggit ang pangalan ang may tindang mga ulam na talagang pinoy na pinoy ang pagkaluto nito, mula sa kaldereta hanggang sa chopsuey. Maging mga gulay na galing mismo sa sariling mga pataniman mula ampalaya hanggang sitaw ay doon rin mabibili.
Sa araw Sabado at Linggo lalo na’t panahon ng tag-init doon nagtitipun-tipon ang iba’t ibang grupong at nagpapalipas ng oras at kung minsan doon na rin sila nagdadaos ng kanilang mga kaarawan at iba pang mga okasyon. Malaking tipid nga naman dahil nandoon na halos lahat ng pagkaing pinoy.
Isang Italyano ang natagpuang kumakain din doon. Ayon kay Davide Caimi, gustong gusto niya ang mga pagkain pinoy. Kung kaya’t hinamon siya ng ilang Pilipino na kumain ng balut upang patunayan kung talagang gusto niya ang pagkain. Tinuruan siya kung saan bahagi babasagin ang balut, hanggang sa paglagay ng asin. Pagkatapos ay pinahigop sa kanya ang sabaw nito.
“Buono”, wika ni Davide. At pagkatapos nito ay pinakain ang sisiw, ang dilaw hanggang sa puting bahagi ng balut. Nagpahiwatig ang italyano na gusto pa ng isa. Subalit inabisuhan siya na mataas sa cholesterol ang balut, ang isa ay tama na.
“Mangio barbeque, siomai, pansit, e sono tutti buoni”, pagmamalaki ni Davide sa mga pinoy na nakapaligid sa kanya.
Pagdating naman sa pagpapanatili ng kalinisan sa park ay napagkaisahan ng mga tindero at tindera na magtalaga ng tiga linis ng park, bukod pa sa mga regular na park care takers ng lokal na gobyerno sa Milan.
Samakatwid, kung ibig niyong kumain ng iba’t ibang pinoy street food, magtanong-taong kayo sa mga nakakasalubong na kababayan, tiyak na ituturo kung saan makakakain nito at tiyak na bahagyang maiibsan ang homesick. Bukod pa sa maaalala ang mga masasaya at malulungkot na lovelife at barkadahan dahil lamang sa tinusok-tusok na pagkaing pinoy street food.
ni Chet de Castro Valencia
larawan ni Laurence Omana