Maituturing ang mayo na isa sa mga pinakaabalang buwan ng taon sunod lamang sa buwan ng disyembre. Mayo, bulaklak. Dalawang magkaibang salita ngunit wari bang mahirap paghiwalayin. Ito rin ang buwan ng mga kapistahan at mga prusisyon na idinaraos sa mga bayan sa buong Pilipinas, na nagtatampok ng mga naggagandahang dalaga at kanilang mga eskorte na nasa ilalim ng napalalamutiang mga arko habang gumagala sa komunidad kasunod ang banda at sa saliw ng musika ng banda at pag-awit ng mga deboto ng “Dios te salve, Maria”. Ayon sa kasaysayan, ang pagdiriwang ng flores de mayo ay nagsimula noong taong 1865 kung saan nag-aalay ng mga bulaklak ang mga batang babae sa altar ng Mahal na Birheng Maria.
Ang mayaman at makasaysayang tradisyon na ito ay hindi maaring mawalay sa buhay ng mga pilipino kung kaya’t saan man tayo mapadpad ay dala dala natin ito sa ating puso.
Sa komunidad ng Pistoia ay isinagawa ang flores de mayo noong ika-20 ng Mayo. Buwan ng mayo taong 2013 sa pangunguna ni Loida Lat ng isagawa nila ang flores de mayo sa unang pagkakataon. Dahil na rin sa nakita nilang tagumpay ay nakaugalian na nila na gawin ito taon-taon.
Nagdiwang muna ng eukaristiya ang buong komunidad sa pngunguna ni Fr. Reynold Corsino bago nagsimula bandang alas 4:30 ng hapon ang makulay na parada na umikot sa mga piling kalsada ng lungsod ng Pistoia. Ang gumanap na Reyna Elena ay si Erlinda Ancheta kasama ang batang si McVonn Acuzar bilang Constantino. Samantala bilang Reyna delas Flores naman si Annette Leigh Acuzar. Hindi lang mga kapuwa pilipino kundi pati mga ibang lahi ang malugod na sumubaybay sa kakaibang parada na ito dahil na rin sa iba’t-ibang kulay na kanyang taglay na talagang nakaagaw pansin sa lahat na napadako sa lugar na pinagganapan nito.
Napagod man ang mga nakiisa sa parada ay mababasa naman sa kanilang mga mukha ang kagalakan na sa pagkakataong ito ay nakapagpugay sila sa Ina ng Diyos at hiling ng komunidad na ito na patuloy silang gabayan ng Mahal na Ina sa pang-araw araw nilang pamumuhay.
Quintin Kentz Cavite Jr.