Layunin ng Presepi Multietnici ng Pro Loco ng Colle di Val d’Elsa, kung saan kasali ang United Group of Filipino Workers in Poggibonsi, Siena ay ipalaganap ang integrasyon at pagkakaisa hindi lamang sa panahon ng kapaskuhan.
Siena, Enero 7, 2016 – Ang paggawa ng tradisyunal na belen ng Banal na Pamilya ay hindi nawawala sa pagdiriwang ng Kapaskuhan sa ibat-ibang bahagi ng mundo.
Kaugnay nito, isang presentasyon ng iba’t iba o multi-ethnic belen na tinawag na “Presepi Multietnici dal mondo“,ang inorganisa ng Pro Loco di Colle di Val d’Elsa.
Ginanap noong ika-8 ng Desyembre, 2015, ang simula ng pagdiriwang sa St. Agustine Church, Siena kung saan nagkaroon ng partisipasyon ang iba’t-ibang lahi mula sa Pilipinas, Kenya, Eritria / Ethiopia, Romania, Peru, Congo, Cameroon, Colombia, Croatia, Nigeria, Syria, Panama, Santo Domingo.
Sa araw na nabanggit ay ipinakita ng mga lumahok ang mga likhang ‘presepe’ bilang kani-kanilang obra.
“The spirit of this event is the integration and aggregation“, ayon sa mensahe ni Marcello Martini, ang organizer, sa pakikipagtulungan ng maraming grupo buhat sa Comune di Colle di Val d’Elsa.
Sa pagtitipon ay nagkaroon ng presentasyon ang United Group of Filipino Workers in Poggibonsi, Siena o UGOFW sa kolaborasyon ni Eddie Manalo, ang Bise Presidente ng grupo. Sinuportahan din ni Moises Malimban, ang Presidente ng grupo, ang magandang adhikain bagaman nasa Pilipinas. Malaki naman ang naiambag sa paggawa ng “presepe” ng malikhaing miyembro ng grupo na si Bernard Santos.
Dumalo at nagbigay din ng suporta ang ilang grupo tulad ng Order of the Knights of Rizal o OKOR sa pangunguna ni Carlos Simbillo, ang Area Commander for Italy at Bise Presidente ng Confederation of Filipino Community Tuscany, kasama sina Mario Cadauan, Arman Cruz, Sue Gecolea at Lourdes Cunanan.
Ang okasyon ay sinimulan ng banal na misa. Sinundan ng pagpapakilala sa mga lumahok na nag-suot ng kani-kanilang pambansang kasuotan.
Pagkatapos ng misa, isang malaking rosaryo na gawa sa lobo na may kombinasyong kulay na puti at pula ang pinalipad sa plase ng Duomo Sant’ Agostino.
Ang lahat ng “presepe” sa ginawang exhibit ay natunghayan mula Dec 8 hanggang Jan 6, ang panahong ng pagdiriwang ng Pasko sa Italya.
Layunin ng inisyatiba ang pagpapalaganap ng kapayapaan, integrasyon at pagkakaisa na makita hindi lamang sa ganitong panahon ng kapaskuhan. Higit sa lahat ang isa puso ang pagmamahal at pananampalataya ng bawat mamamayan anuman ang lahi at kulay nito.
Lourdes Manalang Cunanan