Ang grupong Proudly Pinoy ay kilala sa mga tournament gaya ng basketball, boksing, at iba pa na kasali ang mga Pilipino. Layunin nitong isulong ang promosyon ng isports bilang paraan ng pagpapakilala sa galing at kakayahan ng mga kabataang Pinoy dito sa Italya.
Alam ba ninyo kung sino ang nasa likod nito na tunay na nagsusulong para sa promosyon ng isports bilang paraan ng pagpapakilala sa galing at kakayahan ng mga kabataang Pinoy dito sa Italya?
Siya ay walang iba kundi si LEONIDES “EVER” CUERDO, taga- Mabini, Batangas at kasalukuyang isang OFW sa lungsod ng Milan dito sa Italya.
Bakit nga ba niya naisip na buuin ang grupong ito? At bakit Proudly Pinoy ang itinaguri niya dito?
Taong 2016 nang binuo niya ang team ng basketball na kinabibilangan ng mga kabataang edad 21 pababa dahil na rin sa naobserbahan niya na ang mga batang Pinoy ay nagte-training sa ilalim ng mga Italyanong instruktor at sila ay sumasali sa iba’t ibang tournament. Kaya naisip niyang bakit nga ba di magbuo ng isang team kung saan ay mas matututukan ang kakayahan at kasanayan ng mga bata sa ilalim ng pagtuturo ng isang Pilipino? Naniniwala si Cuerdo sa potensiyal ng mga kabatang ito bukod sa isang pamamaraan na rin ito ng pagdidisiplina sa kanila at pagkalayo din sa mga masasamang bisyo at di magandang impluwensiya ng ibang barkada. Sa pamamagitan din ng isports ay naipapamulat din ang kaugalian at kulturang Pilipino lalo na sa mga kabataang dito na isinilang at lumaki.
Proudly Pinoy, dahil alam niyang kaya nating ipagmalaki ang ating pagiging Pilipino sa larangan ng isports bukod sa maaari din tayong makadiskubre ng mga mahuhusay na manlalaro at baka sila pa ang makapagbigay ng karangalan sa ating bansa.
Sa kasalukuyan ay may basketball training program sila tuwing Sabado kung saan ang mga kabataang idad 13 – 22 ay sinasanay at magbabaka-sakaling makalaro din sa Philippine League. Gaya ng isang Fil-Italian player, si CHRIS BANCHERO, na ngayon ay naglalaro na sa PBA sa team ng Alaska. Pangarap din ng mga manlalaro na makauwi sa Pilipinas at mapabilang sa UAAP at NCAA.
Bukod din sa basketball, ay pinalawak na rin nila ang kanilang sports program at ngayon ay mayroon na ring training para sa Women’s Volleyball team, badminton, swimming sa katauhan ni CHARLOTTE SANCHEZ ASINAS at sa boksing at kickboxing naman ay si KYLE DANIEL ABARINTOS.
May komunikasyon din ang Proudly Pinoy sa Philippine Sports Committee Commissioner Charlie Raymond Maxey, PSI Chairman Marc Velasco at Senator Manny Pacquiao, kung saan ay may mga pangakong pagsuporta sa mga programa nito.
Sa mga tagumpay na nakakamit ng grupo sa bawat pagdalo sa mga tournament, lalong nahahasa ang kasanayan ng mga kabataan at mas tumitimo sa kanilang kalooban na ang bawat panalo o pagkabigo ay bahagi ng daang tinutungo nila para matupad ang hangaring ipakilala at ipagmalaki ang pagka-Pilipino.
Dittz Centeno-De Jesus
larawan ni: Revz Cuerdo