Patuloy ang pag-aanyaya sa mga Pilipina sa kapital para sa isang proyekto sa kalusugan, ang Foreign Women Cancer Care. Ito ay upang higit nilang pangalagaan ang sariling kalusugan.
Roma, Marso 13, 2014 – Sa pangunguna ng AIMAC o Associazione Italiana Malati di Cancro, sa pakikipagtulungan ng dalawang pangunahing ospital sa kapital, ang I.F.O. – Istituto Nazionale Tumori Regina Elena at Ospedale San Giovanni Calibita Fatebenefratelli at ang Caritas di Roma (CRS), layunin ng proyekto, partikular para sa mga Filipina at mga Chinese, ang empowerment ng mga kababaihang dayuhan sa pamamagitan ng higit na atensyon at pangangalaga sa sariling kalusugan. Dahil dito ay ginawang mas madali para sa kanila ang pagtanggap ng cancer prevention and treatment program.
Ang proyekto ay sumasaklaw sa pagbibigay ng libreng pap test at mammogram gamit ang riseta buhat sa family doctor sa pamamagitan ng mga screening codes D02 at D03. Bukod dito, hanggang Hunyo 30, sa tulong ng mga Filipino mediators, ay hindi lamang magiging mas madali ang pagpapa-schedule ng gynecological at breast check-ups, samakatwid ang mga prevention programs, bagkus ay magiging kaagapay din ang mga ito hanggang sa follow-up check up at pagkuha ng mga results.
“Hindi na magiging balakid pa ang italian language sa mga nag-aalinlangang magtungo ng ospital dahil dito”, ayon kay Prof. Francesco De Lorenzo ng Aimac.
Bukod sa mga gynecologist at senologist, ay kasama din sa proyekto ang mga psychologist at oncologist kung sakaling sa kasamaang palad ay matutuklasang kakailanganin ang mas malalim na pagsusuri matapos ang initial check-up at matuklasan ang karamdaman. Ito ay upang tuluyang maagapan ang paglalà ng karamdaman.
Ang mga espesyalista ay makakapagbigay ng mga programang indibidwal na makakatulong sa panahon ng pagpapagamot.
Ang proyekto ay naisakatuparan matapos ang isang pagsusuri o survey sa mga kababaihang dayuhan, kung saan napag-alaman, sa pamamagitan ng Caritas, na karamihan ng mga kababaihang dayuhan ay nagtutungo lamang sa ospital kung may sakit na o nasa kritikal ng antas ang karamdaman.
“Ang prevention o ang pag-iwas sa cervical at breast cancer ay ang mensaheng nais naming ihatid sa mga komunidad – dagdag pa ni Prof. De Lorenzo – kung kaya’t patuloy po kaming nananawagan.
Bukod dito, gamit ang SSN card ay maaari ring magpabakuna (HPV) laban sa cervical cancer.
Mag-log on lamang sa website www.womencancercare.it, dito ay matatagpuan ang mahahalagang impormasyon tulad ng brochure sa wikang tagalong at gabay upang makaiwas sa karamdaman.
Ang foreign women cancer care project ay matatagpuan sa:
Ospedale Generale “San Giovanni Calibita” Fatebenefratelli – Isola tiberina
Huwebes ng hapon 13.00 -15.00 at Biyernes ng umaga 9.30 -12.30
Para sa inyong appointment, tumawag lamang sa tel no: 06.683.72.21 / 06.6837487
Istituto Nazionale Tumori Regina Elena – Via Elio Chianesi
Miyerkules at Biyernes ng umaga 10.00-13.00
Ikalawa at ika-apat na Huwebes ng buwan 14.00 – 17.00
For appointments, tumawag lamang sa 06.526.633.33
Simulang pangalagaan ang sarili. Ito ay iyong karapatan.
)
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]