Gng. Edita Burgos, larawan ng walang limitasyong pagmamahal ng ina sa kanyang anak.
Roma, Mayo 27, 2015 – Sa pakikipagtulungan ng Umangat-Migrante at ng The International Coalition for Human Rights in the Philippines o ICHRP – ay ipinalabas sa Roma nitong nakaraang linggo ang pelikulang “Burgos” ni Joel C. Lamangan.
Personal na dinaluhan ang kaganapang ito ni Gng. Edita Burgos, ang ina ni Jonas Burgos at pangunahing karakter sa naturang pelikula na ginampanan ng batikang aktres na si Lorna Tolentino. Kasama si Angie M. Gonzales, ang coordinator sa Holland ng ICHRP, ay kanilang inihahatid sa buong Europa bukod sa pelikulang “Burgos”, ay ang kwento ng buhay ng mag-ina.
Matapos ipalabas sa Belgium, kung saan ipinalabas ng limang (5) beses ang pelikula, ito ay natunghayan sa Roma at ipalalabas rin sa Amsterdam at Utrecht sa Netherlands.
Ang pelikula ay ukol sa malungkot na kwento ni Jonas Joseph Burgos, anak ng Mrs. Edita, na sa edad na 37 anyos ay kinidnap noong Abril 28, 2007 habang nag-iisa sa restaurant sa Ever Gotesco Mall sa Quezon City ng armadong tatlong lalaki at isang babae. Mula sa araw na iyon, ay tuluyang naglaho si Jonas, ang ikatlo at isa sa pinakamamahal sa limang anak ng pamilya Burgos, na nagmamay-ari ng isang bukirin sa Bulacan.
Tulad ng kanyang ama, si Joe Burgos, ay isang kilalang lokal na mamamahayag at laging handang ipaglaban ang karapatan ng mga magsasaka laban sa maling pamamalakad ng gobyerno. Sa pamamagitan ng “We Farm” magazine na itinatag ng kanyang ama ay sumunod si Jonas sa yapak ng ama. Pinili ang pagtuutro sa unibersidad at ang patuloy na pakikipaglaban sa karapatan ng mga magsasaka, na naging dahilan ng kanyang pagtanggap ng maraming banta sa buhay.
Ang aktibidad ni Jonas ay nahahati sa pagtulong sa 12 ektaryang bukirin ng kanyang pamilya sa Barangay Tartaro, San Miguel City sa Bulacan, bilang miyembro ng Alyansa ng Masasaka sa Bulaban (AMB), kaakibat ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, isang organisasyon na idineklara bilang ‘public enemy’ ng mga militar.
Sa maraming saksi sa pagkaka-kidnap kay Jonas ay iisang babae lamang na nagta-trabaho sa isang restaurant ang matapang na tumistigo. Habang isang gwardia ng nabanggit na mall ang nakakilala sa plate number ng sasakyan na napag-alamang nabibilang sa mga sasakyan ng militar. Ngunit, di naglaon ay ipinakita sa mga kapatid ni Jonas na ang plate number ay sa isang sasakyang abandunado noong pang 1991.
Mula noon, tulad ng makikita sa film, ay hindi na tumigil ang ina ni Jonas sa pagtuklas sa katotohanan. Kanyang itinayo ang “Free Jonas Burgos Movement” at naging tagapagsalita ng mga desaparecidos sa Pilipinas o dinudukot ng mga militar dahil sa kanilang pagtatanggol sa karapatan ng mga manggagawa.
At ang bagay na higit na kapansin-pansin, ang isang dating madre at mahiyaing propesor sa unibersidad na si Edita ay naging isang matapang na babae at handang sumigaw sa mga lansangan sa harap ng libu-libong tao.
Ito ay sinabi mismo ni Edita sa press conference na ginanap noong Mayo 21 sa simbahan ng Santa Pudenziana sa Via Urbana. At inulit sa ginanap na diskusyon bago ipalabas ang pelikula.
Sa katunayan, sa unang pagkikita ni Gng. Edita at Direk Joel Lamangan, ay kanyang hiniling na gawing makatotohanan ang lahat. Mahalaga para kay Edita na sinumang manonod ng pelikula ay makita ang katotohanan sa bawat eksena, hal ang pag-uugali ng kanyang mga anak, ang kanilang sariling tahanan at ang kanilang bukirin. Kabilang ang kanyang personal na transormasyon bilang ina. Lahat ay maglalarawan ng katotohanan tulad ng emosyon at masidhing damdamin, matinding pagdadalamhati at tunay na ligaya, dahil ayon kay Edita, ito ang totoong spirito ng pagiging Pilipino.
Kakampi ang matibay na pananampalataya, naniniwala ang Ginang sa Providence at hindi titigil hanggang hindi nakikita ang anak dahil patuloy na umaasang makikitang buhay ito. Kasabay nito ay ang pagpatak ng luha sa mga pisngi sa harap ng mga manonood dahil isang ina lamang ang tunay na nakakaramdam ng hapdi sa pagkawala ng isang anak. Walang halong dahas, kundi pag-asa dahil ang pakikipaglaban para sa kapayapaan ay nangangailangan ng payapang pag-iisip at ang kapayapaan ay nag-uugat sa katarungan: ang katarungang hinahanap ng taon na ay ang parehong dahilan ng pagharap sa Korte Suprema dala ang milyung-milyong pirmang nakalap sa ilang taon. Dahil dito ay tinawag ang kanyang anak na “Brother Jonas”, dahil siya ay kapatid ng bawat Pilipino.
Ang kanyang kwento ay nagbibigay lakas at nagtutulak sa konsensya na maging saksi ng katotohanan, higit pa sa pagiging saksi para kay Jonas, ay maging saksi ng Diyos, upang makilala ang masama at mabuti. At hindi titigil dahil ang ala-ala ay ang ating armas at ito ang kanyang hawak na susi: ang kanyang lakas sa bawat ngiti, ang kanyang malalim na emosyong nababasa sa kanyang mukha, at ang patak ng luha sa bawat pagbibiro na kasing ganda niya si Lorna Tolentino noong siya’y kabataan.
Ito ay isang makabuluhang pagtitipon para sa Filcom sa Roma, salamat sa suporta ng Umangat-Migrante at ICHRP na patuloy ang pakikibaka para sa mga naaapi. Lalong higit ito ay mahalaga dahil maraming Ginang Edita sa buong mundo, na kayang panatilihin ang liwanag sa gitna ng kadiliman bilang tanda na walang limitasyon ang pagmamahal at sakripisyo ng isang ina.
Kami ay inyong kaisa sa pananalangin na isang araw, ang tinig ng anak ay kanyang muling maririnig sa loob ng tahanang pansamantalang nilisan, kasabay ang mahigpit na yakap, tulad ng mahigpit na pagyakap ng mga Pilipino sa Roma.
ni: Stefano Romano
Isinalin sa tagalog ni: Pia Gonzalez-Abucay