in

Race for the Cure 2018 sa Bologna, kasama ang Squadra Filippine

Taun-taon ay idinaraos ang RACE FOR THE CURE na adbokasiya ng SUSAN G. KOMEN Foundation, sa mga siyudad ng Bologna, Roma, Bari at Brescia at maging sa ibang bansa. Sa ngayon ay nasa ika-12 taon na ito ng kampanya para sa kalusugan at kontra-kanser sa suso.

 

Ang pondong nakakalap mula sa partisipasyon ng mga lalakad at tatakbo sa 2km at 5km ay ilalaan muli sa mga proyektong ukol sa pananaliksik, sa prebensiyon at suporta na rin sa mga kababaihang may sakit.

Dito na lamang sa Bologna, ilan sa mga kababayan nating kababaihan ay kasalukuyang sumasailalim sa pagpapagamot, ang ilan ay naoperahan na at nagsisikap na tuluyan nang magupo ang kanser na taglay ng kanilang katawan.

Ang SQUADRA FILIPPINE, isang grupo ng mga Pilipinong nakarehistro sa pamamagitan ng koordinasyon ng Filipino Women’s League, ay nagsimula lamang sa apat na Pilipino noong taong 2014,  na nagpalista para makapagbigay ng kontribusyon nito sa adbokasiya, at nadagdagan naman ng ilang mga kaibigan noong taong 2015. Taong 2016 ng opisyal nang irehistro ang grupo sa pangalang Squadra Filippine at ngayon nga taong 2018 ay umabot na sa mahigit 50 katao ang nagparehistro at sumama na rin ang dalawang Zumba groups, ang Hyper Megara Fitness Club at Flexion Group na siya namang lumahok sa Zumba marathon noong Sabado ng hapon, ika-22 ng Setyembre.

Sa partisipasyon ng Squadra Filippine sa araw ng Linggo, ika-23 ng Setyembre, nagsuot sila ng koronang bulaklak na may lasong kulay rosas, na sumisimbolo sa mga kababaihang hindi palulupig sa sakit na kanser dahil naniniwala sila na patuloy na mananatili ang esensiya nito bilang babae kahit nasa harap ng sakit at pagdurusa dulot ng karamdaman.

Ang paglahok na ito ng mga Pilipino ay tanda ng pakikiisa at suporta sa adbokasiya at handog na rin sa mga kaanak, kaibigan, kakilala at sa lahat  na maysakit na kanser, sa mga nagsigaling na, sa mga kasalukuyang nagpapagamot pa, at sa mga nauna nang ginupo ng nasabing karamdaman.

Isang pagpapaalala na kung sama-sama ang paglaban, malulunasan ang karamdaman.

Dittz Centeno-De Jesus

kuha ni GYNDEE Photos

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Illegal recruitment ng mga Pinoy na seaman sa Italya, inimbestigahan

OAV Registration sa North Italy