in

Rakrakan concert sa Firenze, mainit na pasabog ng SRB- IADA sa taglamig

Malamig na panahon at simula ng pagbasak ng snow, hindi hadlang sang mga Pilipinong mahilig sa musika. 

 

Salungat sa inaasahan ng karamihan, tatagal pa hanggang sa katapusan ng buwan ng Marso ang nararanasang malamig na panahon sa bansang Italya, pati na ang mga biglaang buhos ng ulan dahil tayo ay nasa panahon ng transisyon mula sa panahon ng taglamig papunta sa panahon ng tagsibol. 

Subalit ang problema ng klima na ito ay waring hindi isang  problema para  sa mga Pilipino na mahilig sa musika. Malamig na araw ng 25 Pebrero 2018 sa Circolo Arci di Grassina sa Bagno a Ripoli, probinsya ng Firenze, ng salubungin ng Scouts Royale Brotherhood – Italia Associazione degli Alumni (SRB-IADA Firenze Chapter) ang simula ng pagbagsak ng snow ng kanilang inorganisang band concert na tinawag na “Rakrakan sa Firenze“. 

Ayon sa mga miyembro ng SRB Firenze, ang konsyertong ito ay kanilang handog para sa mga kababayan sa Toskana sa malamig na panahon ng buwan ng Pebrero, pagkakataon rin na magkasama-sama ang mga kababayan sa isang  mainit na klima ng himig pinoy at mga kilalang POP music. Ang mga dumalo ay napapabilang sa iba’t ibang henerasyon ngunit bigkis ng iisang hilig at pagmamahal sa musika.

Bandang alas-3 ng hapon ng buksan ng mahusay na emcee na si Willy Franco Punzalan ang programa at ang venue ay napuno ng sigawan lalo na ng tugtugin ang pamilyar na piyesa ng The Dawn na “Salamat” na buong siglang sinabayan ng mga naghihiyawang mga manonood. Ang mga grupong nagpamalas ng kanilang galing sa pagtugtog at pagkanta ay ang kilalang FREQUENCY BAND sa Firenze at ang SCHOOL OF ROCK na kinabibilangan ng mag-amang sina Ryan Madriaga at ng kanyang  talentadong 7-taong gulang na anak na drummer na si Erson Madriaga. Tampok din sa nasabing konsiyerto ang DMF ROCK band na natatangi dahil ang bumubuo ng grupo ay mga Carabinieri.

Nagpamalas din ng kanilang galing sa pagawit ang ilang mga imbitadong singers na sina Luigi Manuel at Lito Ceniza. 0Layunin ng konsiyertong ito ang makapagbigay aliw sa mga manonood at makalikom ng pondo para sa mga proyekto ng Scouts Royale Brotherhood-IADA  sa iba’t-ibang panig ng mundo lalong lalo na sa Pilipinas. Naging positibo naman ang tugon ng mga kababayan na walang atubiling sumuporta sa inisyatibang ito sa pangunguna ng mga opisyales ng  SRB IADA Firenze na kinabibilangan nina Pres. Jonathan Pascual, Secretary Christian Rafael, Treasurer Cenon Palejon, Legal Adviser/PRO Nepthali Calanog, Operations/Event Officer Gibson Genil at ng SRB IADA National President Acer Abu. Hindi naman nawala ang suporta ng iba’t ibang mga asosasyon sa Firenze at sa mga karatig-probinsya. Naroon ang presensya ng CONFED Toskana na laging nakaalalay sa mga asosasyon na kasapi ng konpederasyon. Nagbigay ng mensahe ng pasasalamat sa mga sumuporta sa ebento at papuri sa mga taong nasa likod ng organisasyon si CFCT Pres. Divinia Capalad at  Vice Pres. na si Amy Bayongan. 

Nakasisiguro ang lahat na hindi ito ang una at huling aktibidad ng SRB Firenze na may nakaabang na agad na susunod na proyekto. Malaki ang pasasalamat ng samahan sa lahat ng mga dumalo at nakiisa. Sa kanilang pagbabalik sa kanya-kanyang mga tahanan ay mapupuna sa kanilang mga mukha ang ngiti at saya at ang kanilang mapagkawang-gawang mga puso ay lubos na umaasang mas lalong ipapakita ng lahat ang walang sawang pagsuporta sa mga susunod pa nilang mga ebento.

 

ni: Quintin Kentz Cavite Jr.

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Marso 17, 1521 ang pagdating ni Magellan sa Pilipinas

Overweight ka ba at nais mabawasan ang timbang para sa nalalapit na tag-init?