Ang Rampahan 2015 ng OFW Lavoro Italy ay hindi paligsahan at ginanap upang maging magkakaibigan ang mga bata, matutong humarap sa publiko at sa pakikitungo sa kapwa.
Milan, Enero 7, 2016 – “Kids rampahan” ang kauna-unahang Christmas event na isinagawa sa Milan sa pagpasok ng buwan ng pasko sa nagdaang taon. Ito ay inorganisa ng OFW Lavoro Italy sa pamamagitan ng kanilang puno na si Gng.Adoracion Buhay. Mahigit 30 mga chikiting mula 4 hanggang 12 taon gulang ang lumahok sa nasabing rampahan na nagpapatunay na ang Pasko ay para sa mga bata.
Ayon kay Buhay, noong 2014 mga adults ang mga rumampa kung kayat sa pagkakataong ito ay binigyan naman ng pagkakataon ang mga bata na rumampa.
Hindi anya ito isang paligsahan. Ito ay ginanap upang magkaroon lamang ng maraming kaibigan ang mga bata, matutong humarap sa publiko at sa pakikitungo sa kapwa at higit sa lahat maranasan din nilang rumampa, dahil ang Milan, Italy ay binansagang “the fashion city of Europe.”
Una munang ipinakilala isa-isa ang mga bata habang rumampa ang mga ito suot ang kanilang Santa Claus costumes. Pagkatapos ay suot naman ang kanilang mga casual wears, maging ang gowns para sa mga babae at formal wear naman para sa mga lalake, na siyang ikinatutuwa ng mga manonood lala na ng mga proud parents ng mga bata.
Hindi naman nagpatalo ang mga nanay at rumampa rin suot ang kanilang mga evening gown.
“Every year we have different events, like bowling, discovery kids for singing then rampahan.” Wika ni Buhay
Si Denver Manalo ang siyang nag-choreograph sa kabuuan ng rampahan.
Kinuha sa audience impact ang pagpili sa mga nanalo. Sa unang unang pagkakataon ay nagkaroon ng Little Miss and Mister OFW Lavoro Italy “Rampahan 2015” sa Milan.
Ang mga napili ay sina Mark Gerald Cabiles at Nhiki Ondo bilang little Mr. and Miss OFW Lavoro Italy “Rampahan 2015”. Best in gown naman si Chiara Mae Agno. Para naman sa major sponsor ng event ay napili sina Gabriel Coloma at Eilare Jerzeth Poral. Samantala, ang nagwagi sa rampahan ng mga mommy ay si Maldita Salonga Trinidad.
Maging ang mga guest performers at banda ay pawang mga kabataan din kung kayat binuhos lahat ng organizer sa mga kabataan ang partesipasyon.
“Maaaring sa susunod na taon ay inaasahan namin na mas marami pang mga bata ang sasali sa events ng OFW Lavoro Italy”, ani ng organizer.
Ang OFW Lavoro Italy ay isang facebook group dagdag pa ni Buhay. Hindi rin umano ito isang job agency. Layunin ng grupo na tulungan ang mga OFWs sa Italy sa pamamagitan ng paghahanap ng trabahong angkop sa kanilang mga kakayahan.
ni Chet de Castro Valencia
Larawan ni Bryan Lajarca