Kasabay ng pagsikat ng araw ay ang magandang gising ng mga miyembro ng Radical Brotherhood Guardians Philippines International Incorporated o mas kilala ng lahat bilang RBGPII. Sa ipinakitang pakikipagtulungan ng lahat ng kasapi ng samahan, ang sangay ng Guardians na ito ay umabot na sa kanilang ika-2 taong anibersaryo mula ng ito ay maitatag sa pangunguna ni Judito Cervantes “PCGS Angel” Estopacia. Isa ang RBGPII sa mga pinaka-aktibong pangkat ng mga GUARDIANS sa Italya, hindi sobrang laki bilang faction ngunit nagpapakita ng tunay na samahang bigkis ng iisang adhikain: ang makapagbigay ng asistensya sa mga lubos na nangangailangan.
Sinimulan ang pagdiriwang bandang alas 2.30 ng hapon. Dumating ang ilan pa nitong mga chapters mula sa Roma, Mantova, at Pisa. Ang parada ng mga kinatawan ng iba’t-ibang grupo at ang pagtugtog ng mga pambansang awit ng Pilipinas at ng Italya ang naging hudyat ng pormal na simula ng programa.
Nagkaroon ng pagkakataon ang mga panauhin na magpaabot ng kanilang pagbati sa mahalagang araw ng paggunitang ito. Malaki ang pasasalamat ng CONFED President na si Divina Capalad sa ipinapakitang pakikiisa ng RBGPII sa halos lahat ng mga aktibidades sa loob ng rehiyon ng toskana at sa mga magagandang halimbawa na nakikita ng karamihan sa mga miyembro ng samahang ito. Sa kanyang inspirational message ay kanyang muling ipinaalala at tinalakay ang kasaysayan ng GUARDIANS mula sa pagkakatatag nito pati na rin ang mga adhikain na kailangang laging isaisip at isapuso ng lahat ng kasapi. Bilang pangulo ng konpederasyon, nakikita niya ang tunay na galaw ng samahang ito at subok na ng lahat dahil sa mga proyektong kanilang isinusulong para mabigyang tulong ang mga nangangailangan.
Si Quintin “Bossing” Cavite naman ay binigyang diin ang kahalagahan ng pundasyon ng pagtatayo ng isang “bahay ng GUARDIANS”. Ayon sa kanya, kailangang pag-aralang mabuti ang mga mahahalagang elemento upang magkaroon ng matibay na pundasyon ang itatayong asosasyon, sagutin ang sino, bakit at para saan ang itatatag. Dito anya papasok ang “mission at vision” ng kapatiran na magiging guiding force sa paglalakbay ng bagong buong “pamilya”.
Sa loob ng pagdiriwang ay isinagawa din ang panunumpa at pagtatalaga ng mga bagong halal na mga opisyales ng Rome at Firenze chapters, pati na rin ang pagbibigay ng promotion sa mga members na nagkaroon ng mahalagang achievement sa loob ng samahan. Ayon kay PCGS Angel, ang promotion ay may kaakibat na responsabilidad at mga tungkulin at hindi lamang simpleng dekorasyon na nakakabit sa “pseudonym” ng kasapi.
Umaasa ang lahat na lalo pang lalakas ang determinasyon, mas magiging maayos ang organisasyon at pagkilos ng RBGPII at aani pa ito ng mas maraming tagumpay.
Ayon sa kanilang bagong halal na presidente na si Renz “RMG Wrench” Ortega, magpapatuloy silang lalapit sa mga taong may ginintuang puso upang ilatag ang kanilang mga proyektong makakatulong sa mga nangangailangan lalong lalo na sa mga kababayan na nasa Pilipinas, sa sektor na pangkabuhayan, serbisyong pangkalusugan, edukasyon at iba pang pangunahing serbisyong panlipunan.
Sa pagtatapos ng pagdiriwang ay alam ng lahat na sa kanilang paglalakbay patungo sa ikatlong taong anibersaryo ay kanilang haharapin ang mga bagong hamon sa samahan, sa pangunguna ng mga bagong luklok na mga opisyales at pakikiisa ng lahat ng miyembro ng pamilya ng RBGPII na sumumpa na walang iwanan, hanggang sa huling patak ng dugo!
Quintin Kentz Cavite Jr.