in

Re Salvador, isang Inspirasyon sa Industriya ng Pelikula at Telebisyon

Si Romulo Emmanuel ‘Re’ Salvador ay isang kilalang Filipino-Italian sa larangan ng pelikula at telebisyon sa Italya na patuloy na nagbibigay inspirasyon sa kanyang mga kapwa Pilipino sa pamamagitan ng kanyang mga natatanging tagumpay.

Nagtapos si Re Salvador ng Diploma Liceo Scientifico Piano Nazionale Informatica noong 2009. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral at nakapagtapos ng Diploma sa Cinematography sa Scuola d’arte cinematografica Gian Maria Volonté noong 2017. Noong 2019, nakamit niya ang kanyang Bachelor’s Degree sa Cultural Heritage sa Tor Vergata.

Simula noong 2018, si Re ay naging isang scriptwriter sa industriya. Isa sa kanyang mga pinaka-kilalang proyekto ay ang seryeng “BABY“, na umere ng tatlong season mula 2018 hanggang 2020, sa ilalim ng Fabula Pictures at Netflix. Ang nabanggit na series ay nagpalabas ng mga mahahalagang social issues tulad ng child prostitution, homosexuality, abuse of minors, at sexual violence.

Noong 2021, siya ang naging scriptwriter ng pelikulang “Non mi uccidere”, na ipinrodyus ng Vivo Film at Warner Bros.

Ngayong 2024, inilabas naman ang seryeng “Briganti”, na muli niyang nilikha at isinulat. Ang seryeng ito ay ipinrodyus ng Fabula Pictures at Netflix, na tunay namang inabangan ng marami. Ang “Briganti” ay isang drama series ukol sa pakikibaka para sa kalayaan ng mga nasa laylayan ng lipunan, partikular ng mga mahihirap at magsasaka. 

Ang series na ‘Baby’ at ‘Briganti’ ay parehong nasa Netflix platforms at isinalin sa maraming wika para sa iba’t ibang bansa. 

Bukod sa pagsusulat ng script, si Re Salvador ay nagtrabaho rin bilang aktor at first assistant director sa pelikulang “Orecchie” noong 2016. 

Bilang pagkilala sa kanyang kahusayan, naging bahagi si Re ng jury sa “Bottega della Sceneggiatura”, isang inisyatiba ng Premio Solinas at Netflix mula 2021 hanggang 2023. Ang Bottega della Sceneggiatura ay isang programa na layuning magbigay ng mentorship sa mga scriptwriter, partikular sa mga bagong talento sa industriya ng pelikula at telebisyon at mag-develop ng mga orihinal na script at konsepto para sa mga pelikula at serye.

Hindi rin natapos dito ang kanyang kontribusyon sa industriya. Mula 2021 hanggang 2024, nagsilbi siyang guro at tutor para sa master’s program sa series development na inorganisa ng Civica Scuola di Cinema, sa tulong ng Netflix.

Ang tagumpay ni Re ay isang patunay ng kanyang dedikasyon at talento sa larangan ng pelikula at telebisyon. Ang kanyang mga kontribusyon ay hindi lamang nagbibigay-aliw kundi nagbibigay inspirasyon din sa maraming kabataang Pilipino na nangangarap na makapasok at magtagumpay sa industriya ng sining at media. Si Re ay isa sa mga kabataang binigyang parangal sa katatapos lamang na pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan 2024 sa Roma.

Click to rate this post!
[Total: 4 Average: 4.8]

Mga Natatanging Kabataang Pilipino, binigyang Parangal sa Kalayaan 2024 sa Roma!

KITTO, World of Dance Italy 2024 KPOP Division Champion & Crowd Favorite