in

Re Salvador, itinampok sa “Il futuro è troppo grande”

“Sa pamamagitan ng docu-film na ito ay napahalagahan ko ang pagkakaroon ng 2 identidad: ang pagiging tunay na Pilipino at pagiging ganap ring italyano” – Re. 
 

Rome – Marso 17, 2014 – Matapos ang ilang buwang crowdfunding, ay ipinalabas ang “Il futuro è troppo grande”, isang documentary film na nagtanghal ng mga pangarap, takot at mga hangarin ukol sa kinabukasan ng dalawang kabataan ng ikalawang henerasyon, sina Re Salvador at Zhanxing Xu, na sinubaybayan sa kanilang araw-araw na pamumuhay, ang kanilang pananaw, kalagayan at limitasyon sa sosyedad, ang kanilang ugnayan sa naunang henerasyon at ang lawak ng multiculturalism sa kanilang mga sarili. Ang araw-araw na pamumuhay na naglahad ng kanilang mga sariling point of view at reference, gayun din mga aspirations kasama ang kanilang mga kaibigang simula pagka-bata na katulad nila ay may karapatan sa pagiging isang ganap na mamamayan. Lalong higit inilarawan nito ang mahahalagang aspeto sa kanilang buhay bunga ng kulturang nananalaytay sa kanilang buong pagkatao. 

 
Sina Giusy Buccheri at Michele Citoni, ang dalawang direktor na sa loob ng dalawang taon ay sinundan sina Re at Zhanxing sa partikular na bahagi ng kanilang buhay, ang pagiging ganap na mga adults. Ang mga scenes ay kinunan ng mga filmakers at ng mismong mga aktor gamit ang sariling video camera. Layunin nito ang maitanghal ang parehong kwento buhat sa dalawang magkaibang angolo bilang direktor at bilang mga aktor ng sariling kwento.
 

Bukod sa parehong mayroong mga magulang na migrante ay parehong lumaki sa Roma ang dalawa. Ngunit sa kabila nito ay ganap ring magkaiba ang landas ng mga ito. Si Re, ipinanganak sa Italya at isang mamamayang italyano, ngunit si Zhanxing, dahil sa kasalukuyang batas ay itinuturing pa ring isang dayuhan sa bansang kinalakihan. Si Re, ay normal ang pamumuhay kasama ang isang masayang pamilya sa kabila ng kanyang dalawang identidad, samantalang si Zhanxing ay humarap naman sa cultural identity crisis. Dahilan upang hanapin ang sarili sa bansang sinilangan, ang China. Makalipas ang anim na buwan ay muling nagbalik ang dalaga sa Italya at sa pagkakataong ito ay higit na kilala ang sarili bilang isang italyana. 
 
“Ninais namin bilang mga direktor, sa pamamagitan ng ‘il futuro è troppo grande’, ang maging bahagi ng mainit na tema ng reporma sa citizenship sa ating bansa. Wala ng hihigit pa sa pagpapakita at pagpapalabas ng dalawang mukha ng ikalawang henerasyon upang maipakita ang reyalidad sa Italya. Madaling isipin ang kanilang pagiging mga mamamayang italyano ngunit sa katunayan ay hindi”, ayon sa dalawang direktor sa naging talakayan matapos ang premier ng docu-film. 
 
“Tatlumpung taon ang dipirensya ng aking edad kay Zhanxing, at tatlumpung taon na rin ang nakaraan ng ako ay dumaan sa tinatawag na cultural identity crisis, at ang mapanood makalipas ang tatlumpung taon ang parehong hinaing ng ikalawang henerasyon ay tunay na nakakalungkot”, ang mahalagang mensahe na iniwan ni Marco Wong, ang presidente ng Associna. 
 
“Sa kauna-unahang pagkakataon ay itinanghal ang tunay na kwento ng ikalawang henerasyon na maaaring sa Italya ipinanganak, maaaring sa Italya lumaki at nag-aral, maaari namang adopted at marami pang ibang sitwasyon. Inaasahan namin na ang hamon ng ikalawang henerasyon, sa pamamagitan ng docu-film na ito, ay tunay na makita ang politika ng kasagutan at solusyon sa reporma ng citizenship”, ayon kina Elvira Ricotta Adamo buhat sa asosasyon ng QuestaèRoma at Neva Besker buhat sa Rete G2. 
 

Lubos naman ang pasasalamat ni Re Salvador sa pagiging mahalagang bahagi nya sa docu-film – “Hindi naging madali para sa akin ang ikwento at ang i-video ang araw-araw na takbo ng aking buhay at ng aking pamilya. Ngunit sa pamamagitan ng docu-film na ito ay napahalagahan ko ang pagkakaroon ng 2 identidad: ang pagiging tunay na Pilipino at pagiging ganap ring italyano. At ang maibahagi ito sa partikular na kasaysayan ng bansang kumukupkop sa milyung-milyong kabataan ng ikalawang henerasyon ay isang karangalan”, pagtatapos ni Re.
 
Dumating bilang mga panauhin sa premier sina H.E. Ambassador Virgilio Reyes at Consul Jarry Osias, Prof. Vito Zagarrio ng Università Roma Tre, Silvio Di Francia ng Roma Capitale, Franco Pittau ng Dossier Immigrazione Caritas at maraming kinatawan buhat sa iba’t-ibang asosasyon ng ikalawang henerasyon. (ulat ni PG – larawan ni Stefano Romano)
 
 
Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

House bill, idineklara bilang pambansang simbolo ang ilang bagay

1,7 milyong migrante ang tatanggap ng higit na 1,000 euros sa mga busta paga