in

REGINA COELI CHOIR NG ROSARIO, CAVITE, 3rd PLACE SA CATEGORIA “C” – CORI GIOVANILI E DI BAMBINI, THE RIMINI INTERNATIONAL CHORAL COMPETITION

Sa mga suportang natanggap ng grupo mula sa iba’t-ibang komunidad, asosasyon at pribadong indibidwal, masasabi pa rin natin na sa paglipas ng panahon, buhay na buhay pa rin ang“bayahihan spirit” ng mga Pilipino kahit nasa ibang bansa.

alt“Sa aming pagbabalik sa Pilipinas, mas marami kaming maiku-kwento sa ating mga kababayan sa Pilipinas kung paano kami tinulungan at inalagaan ng ating mga kapwa Pilipino sa Italya kaysa sa aming pagkapanalo sa Rimini International Choral Competition.”  Ito ang mga katagang nabanggit ni Mr. Renalie “Reynan” Aquino, konduktor at tagapagsalita ng Regina Coeli Choir sa magkasabay na victory at farewell celebrations na isinagawa sa Terni noong Oktubre 10.  Maituturing na isang napakagandang karanasan para sa 17 miyembro ng Regina Coeli Choir ang kanilang pakikipagsapalaran na sumali sa isang international choral competition.  Karanasang makipagtunggali at makisalamuha sa iba’t-ibang choral groups na representante ng mahigit na 30 mga bansa at karanasang makasama ang mga kapwa Pilipino na naninirahan bilang migrante sa bansang Italya.  Ayon sa kanila, ang mga magagandang karanasan sa Italya na lagi nilang maaalala ay ang kabaitan, pag-aaruga at ang pagtulong sa kanila ng mga kapwa Pilipino.  Mga alaalang magpapatunay lamang  na sa paglipas ng panahon, atin pa ring masasabi na buhay na buhay pa rin ang “bayanihan spirit” ng mga Pilipino kahit nasa ibang bansa.

Katulad ng nauna ng nailathala sa pahayagang ito, ang Regina Coeli Choir o RCC ay parish choir ng bayan ng Rosario, Cavite, na kinabibilangan ng mga kabataang may edad na mula 14-20 taong gulang.  Ang karamihan sa mga miyembro ng grupong ito ay galing sa mga mahihirap na pamilya kaya hindi naging madali para sa kanilang lahat  na matugunan ang mga pinansyal na pangangailangan para sa kanilang partisipasyon sa isang international choral competition.  Sila ay pinalad na pumasa sa audition para makalahok sa ika-limang taong pagtatanghal ng The Rimini International Choir Competition na isinagawa noong Oktubre 6-9, sa Teatro Novelli, sa siyudad ng Rimini. 

Hindi man nila nakamit ng RCC ang pinakamataas na posisyon, nararapat lamang na ipagmalaki ng mga Pilipino ang nasabing choir group sa pagkakakuha nila ng 3rd place sa Catergoria “C” – Cori Giovanili e di Bambini sa nasabing kompetisyon.  Nagkataong nagkaroon ng tie para sa second place ang mga grupong Chamber Choir Rodnik at Children’s Choir Consonance ng bansang Russia, kaya ang grupong Regina Coeli Choir ay napabilang na Rank 4.  Nanguna sa ranking ang Ekurhuleni Children’s Choir ng South Africa na muling naglaban kasama ang dalawang choir groups ng Russia sa “Grand Prix Competition”.  Nakuha din ng RCC ang 9th place para sa kategoryang “Cori Popolari e Gospel”.

Nagkaroon din ng pagkakataon ang RCC na makabisita sa Vatican para sa Papal audience and blessing noong Oktubre 5, mismong araw ng kanilang pagdating sa Roma.  Nasundan ito ng isang salo-salo na inihanda ng tanggapan ng Philippine Embassy to the Holy See sa pangunguna ni H. E. Ambassador Mercedes Tuason, Philippine Ambassador to the Holy See.  Kaagapay ng ating Ambasadora sina Congen Danilo T. Ibayan at Mrs. Flor Icasiano, Admnistrative Officer ng tanggapan sa pag-aasikaso sa RCC.  Mula sa Roma, tumungo muna ang grupo sa Terni para sa isang mini-concert na ini-organize ng San Francesco Filipino Community – Terni, sa pangunguna ng Presidente ng nasabing komunidad, Ms. Neneth Magmanlac.  Bukas palad din silang tinanggap sa siyudad ng grupong Asemblee di Dio na pinamamahalaan ni Pastor Manny Atienza.  Sa pagtungo ng RCC sa Rimini, venue ng kompetisyon, sila ay inalalayan ni Mr. Jhun Salem sa pakikipagtulungan kay Ms. Thess Garcia, Presidente ng Banal na Pag-aaral (BNP) sa siyudad ng Ancona.

Sa iilang siyudad sa Italya na nadaanan ng RCC, maraming mga OFWs ang kanilang nakasalamuha at nakausap.  Mga OFWs na itinuring silang kapamilya, mga OFWs na sandaling kinalimutan ang mga pansariling pangangailangan para makapag-bigay tulong sa mga higit na nangangailangang kababayan.  Sa parte naman ng RCC, sa kanilang mga murang edad, kanila ng binibigyang halaga ang importansya at suportang ipinakita ng bawat Pilipino sa bawat bahay na kanilang binisita.  Higit pa sa kanilang inaasahan ang kanilang personal na naramdaman na nagpapatunay lamang na buhay pa rin sa bawat puso ng bawat Pilipino ang tinatawag nating “bayanihan spirit” malayo man tayo sa ating bansang pinanggalinan.

Maraming salamat sa Regina Coeli Choir sa pagbibigay ng karangalan sa ating bansa.  Ang inyong mala-anghel na mga tinig ay mananatili sa aming mga puso.  Hinahangaan namin ang inyong mga taglay na lakas ng loob at talento.  Arrivedeci!

Rogel Esguerra Cabigting

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Migrante hindi nakakabigat sa mga gastusin sa gamot ng bansa!

Ayaw sagutan ang census? Multa hanggang 2000 €