Isang labing-isang taong gulang na batang Pilipina ang namamayagpag sa larangan ng swimming at kayak sa Reggio Calabria.
Siya ay si Johanna Noveras, na itinaguyod na mag-isa ng kanyang ina na si Josephine Noveras. Apat na taong gulang si Johanna ng pumasok sa larangan ng paglangoy, noong siya ay nasa grade 3 ng elementarya. Makalipas lamang ang isang taon ay naging atleta siya sa Federazzione Italia Nuoto (FIN).
Noong nakaraang April 18, 2021 ay humarap si Johanna sa isang mahalagang kumpetisyon na ginanap na Regional Competition Campionato Italiano Esordienti A e B sa Lamezia Terme.
Hindi nagpahuli si Johanna sa nasabing swimming competition at ito ay lubos na ikinatuwa hindi lamang na kanyang ina kundi pati ng kanyang scuola, ang Italica Sport Reggio Calabria.
Si Johanna ang pinarangalang campionessa regionale o regional champion sa 100m at 200 m Breaststroke (Rana), at 400m Free Style (Stile libero) at pumangatlo sa 100m Free Style (Stile libero).
Bukod dito, nagpakitang gilas din si Johanna sa ginanap na Kayak Regional Competition sa Nicolette Enna Sicilia.
Pumangalawa sa 200m – Kp 2 at pumangatlo naman sa 200 m – Kp 1 gayun din sa 2000m – Kp 1.
Sa tagumpay ni Johanna sa larangan ng sports ay tanging hiling ng dalagita ang ipakilala siya ng kanyang ama bilang anak at ipagmalaki. Pangarap din ni Johanna ang maging tanyag sa buong mundo. Nais niyang maging inspirasyon sa mga kabataang Pilipino dito sa Italya na kahit dayuhan ay kaya nating maipakita ang ating talento at makipagsabayan at manguna sa larangan ng palakasan.
Samantala, payo naman ni Mommy Josephine sa mga magulang na suportahan ang kanilang mga anak sa mga aktibidad na kanilang nais upang ito ang maging hamon upang maiwasan ang labis na paggamit ng gadgets at pati na rin ang pag-iwas sa masamang bisyo.
Lubos naman ang pagiging proud Mom ni Mommy Josephine dahil si Johanna ay isang batang masikap, matalino at pinoy na pinoy ang pag-uugali. (Carmen Perez)