in

Reina Pamela Berganio, ang magandang ehemplo ng kabataang Pinoy

Ipinanganak sa Pilipinas noong Dec 27, 1986. Dumating sa Florence Italy noong 9 na taong gulang. Tulad ng karamihang minors na dumating sa Italya, ay ipinasok ng grade 3 sa halip na grade 5, dahil sa wikang italyano. Ang principal at mga guro ay nag-alala kay Reina ngunit matapos lamang ang 2 buwan, sa pamamagitan ng pagbabasa ng Mickey Mouse magazine at sa tulong ng tutor, ay mabilis na natutunan ang wikang italyano. Bata pa lamang si Reina ay mahusay na sa eskwela, nanalo ng maraming beses sa QuizBee at dito naman sa Italya ay lumahok sa mga drawing competition kung saan inuwi ang karangalan tulad ng olimpiadi di Archimede at sa Certamen di latino. Aktibo rin sa mga exhibit ang dalaga, sa katunayan ang kanyang painting ni Jan Van Eyck at ilang disenyo ay itinanghal sa kanyang paaralan.

Sa madaling salita, sa pamamagitan ng tiyaga ay nalampasan lahat ng dalaga at ang mga sumunod ay pawang puro tagumpay. Ito ang kwento ng buhay ni Reina Pamela Berganio, ang newly graduate na Pinay sa Architecture.

Maaari mo bang i-kwento sa amin ang araw ng iyong pagtatapos? Ang iyong emosyon, takot at mga inaasahan? Paano mo ito pinaglabanan?

Isa ito sa mga pinaka-magandang araw sa aking buhay, bukod sa ito ang araw ng aking pagtatapos, ang isiping naabot ko sa wakas ang aking pinaka-mimithi pagkatapos ng maraming sakripisyo ay tila nakukuryente ako. Siyam kaming nagtapos noong araw na iyon, karamihan ay mas matanda sa akin, aming inilatag ang aming mga thesis, kasama ang project model at ang presentation nito. Isa isa kaming pinag-present ng Commission. Ika-anim ako, hindi takot ang aking naramdaman bagkus ay pag-aalala. Nag-aalala akong hindi lumabas ang mga salita sa aking bibig, pag-aalala na hindi ko maipaliwanag ang aking nais sabihin. Ngunit lahat ay naging maayos, ang aking relator ay tinulungan akong maging kalma at gumawa ng introduction ng aking thesis.

Ano ang iyong naging paghahanda sa pinakahihintay na araw na ito, pati ang iyong magulang?

Ang araw na ito ay ang climax ng aking nervous breakdown. Kinailangan kong baguhin ang aking thesis simula umpisa; isang buwan at kalahati lamang ang aking ginugol upang ito ay tapusin (karaniwang 4 na buwan), 3-4 na oras lamang ang aking tulog sa gabi. Ako ay nag-aalala na hindi ko ito matapos. Ako ay bumalik sa tahanan ng aking mga magulang upang makapag-concentrate ng husto, dahil kasama ko si mommy na naghahanda ng aking pagkain. Ako ay kumakain at natutulog sa harapan ng computer. Habang, si daddy naman ang tumulong sa aking project model. Naging napakahirap nito para sa akin ngunit aking napagtagumpayan dahil sa tulong ng aking mga magulang. 

Mayroong ka bang di malilimutang mga sandali sa araw ng iyong pagtatapos? Ano ito?

Ang pinaka magandang mga sandali ay siguradong noong ako ay tawagin para sa final vote. At noong sabihing “La dichiariamo dottoressa di Architettura” ako ay bahagyang napaluha dahil bigla kong naisip ang nakaraan, ang aking takot at hindi ko halos naisip na ako ay aabot sa sandaling ito. Pinasalamatan ko ang aking relator at co-relator, salamat sa tulong nila ay aking natapos ang project model. Lalo na ang aking mga magulang at mga kaibigan. Ang bigyan ng korona ng laurel bilang simbolo ng karangalan at tagumpay ay nagbigay sa akin ng kalayaan. Sa wakas ako ay kabilang na sa mga nagtapos…

Ano ang iyong nararamdaman ngayong topos na ang iyong pag-aaral?

Relieved… Ilang araw ng relax. Higit sa 20 taon akong nag-aral, finally, nakatapos na rin ako!

Ano ang inaasahan mo sa iyong kinabukasan? Anong nais mong gawin?

Positibo ang aking pananaw. Para sa ngayon ay nais kong magbakasyon sa Japan, ang aking pinangarap na bansa dahil sa aking kurso. Ako ay kasalukuyan na ring naghahanap ng trabaho at inaasahan kong ako ay matatanggap sa lalong madaling panahon, sa Roma o sa mga kalapit bayan nito dahil sa Disyembre ay sisimulan ko ang pagma-master sa exhibit design sa Sapienza University, ukol sa pavilion expo design, ang tema ng aking thesis.

Bumalik tayo ng bahagya sa nakaraan, naging mahirap ba nag pagpili ng iyong kurso?

Noong una ay naging mahirap ito para sa akin. Sa katunayan, ako ay kumuha ng business administration dahil iyon ang kinuha ng karamihan, ngunit tunay na hindi iyon ang aking direksyon kaya’t hindi ako nagtagumpay. Noong sumunod na taon ay ay kumuha ako ng entrance exam sa Architecture. 145 lamang ang kinuha nila sa 1,000 na kumuha ng exam at ako ay napabilang dito. Lalo na’t ito talaga ang aking hilig pagkabata pa lamang.

Ang iyong mga magulang, ang kanilang mga payo ay naging gabay mo ba sa iyong tagumpay?

Ang aking mga magulang ang haligi ng aking buhay. Sila ay naging mahigpit sa akin noong ako ay bata pa lamang ngunit sila ay aking pinasasalamatan dahil ginawa nila ito at lalong higit sa pagsuporta nila sa aking bawat desisyon at sa kanilang tiwala. Hindi ko makakapagtapos kung hindi ako nag sakripisyo, ang kanilang tulong pinansyal at ang kanilang pagbibigay lakas-loob sa akin.

Ang iyong naging inspirasyon sa pag-aaral?

Inspirasyon ko ang naging relator ng aking thesis, si Architect Marino Moretti. Siya ang naging instrumento upang aking mahalin ang isang partikular na bahagi ng architecture, ang pavilion expo design at lahat ng mga sumasaklaw dito na katangian ng innovation at development.

Mahalaga ba ang mga kaibigan sa pag-aaral?

Oo. Ako ay pessimistic at di gasinong sociable, ngunit  nang matagpuan ko ang aking dalawang tunay na kaibigan, kahit sila ay mga Architects na rin, ay tinulungan nila ako upang mapagtagumpayan ito. Sila ang aking kasama sa mga taong ito at ako ay tinulungan nilang maging matured at responsible, at ako ay naging matatag upang magpatuloy sa kabila ng mga difficulties na aking hinarap. Mahalaga na mayroong mga taong iyong kaagapay na magiging magandang impluensya sa pagharap sa mga ito.

Ano ang iyong mensahe sa mga kabataang sa kasalukuyan.

Kung mayroon tayong mga pangarap, gawin natin ang lahat upang maabot ang mga ito at huwag umatras sa unang pagsubok. At tulad ng lahat ng magagandang hangarin, ay nangangailangan ng sakripisyo: obligasyon muna bago ang lahat. Pasensya at ang pagiging constant, huwag magpalinlang sa mga kasiyahan: normal ang paminsan minsang ‘relax’ ngunit hindi dapat maging dahilan ng ating pagsuko. Maging mababang loob: lahat tayo ay may kanya-kanyang limitasyon at kung kinakailangan ng tulong ay huwag mag-atubiling humingi nito sa magulang o mga kaibigan.

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

“Bossi-Fini, kailangang baguhin” – Riccardi

Dalla Zuanna: “Reporma ng pagkamamamayan at bagong panuntunan sa imigrasyon “