in

Renil at Rald, ang mga Pinoy Physical Therapists sa Italya

Bukod sa ‘Nurse’ o ‘Infermiere’, mayroong mga Pilipinong nagagamit sa Italya ang kanilang kursong tinapos sa Pilipinas. Sina Renil Capuno at Ronald Tejada, ang mga Pinoy Physiotherapist sa Italya. 

 

Bukod sa ‘Nurse’ o ‘Infermiere’, mayroong mga Pilipinong nagagamit sa Italya ang kanilang kursong tinapos sa Pilipinas. Sila ay nagtapos sa ating bansa at sa kasalukuyan ay mga Physical Therapists sa Italya na dumaan sa hindi madaling bureaucratic process. 

Para sa kaalaman ng lahat, ang limang taong pag-aaral nito sa Pilipinas ay hindi sumasaklaw sa simpleng hilot o masahe lamang. Ito ay higit na mas malalim at may mabigat na responsabilidad. 

Sa madaling salita, ang kanilang obligasyon ay sumasaklaw sa pagsusuri ng mga indibidwal na sitwasyon, upang lumikha ng mga programang gamit ang iba’t-ibang pamamaraan sa pagkilos, upang mabawasan ang sakit, mapanumbalik ang gamit at pisikal na kundisyon, lakas at koordinasyon ng kalamnan at maiwas sa paglala ng kapansanan. 

Bukod dito, sa tulong ng mga PTs ay naiiwasan ang mabawasan o mawalang tuluyan ang kakayahang kumilos. Sa katunayan, malaki rin ang papel ng mga PTs para sa mas mabilis na rehabilitasyon sa nabaling buto. Maaaring mabigyan ng PT ng ilang mga eherisyo ang pasyente na tutulong sa mas maayos na daloy ng dugo sa bahaging nabalian at pagpapatibay pa lalo ng gumagaling na buto.

Ito ang ginagawa ng mga kababayan nating physical therapists dito sa Italya, tulad nina Renil Capuno sa Roma at Ronaldo Tejada sa Milan.

Aminado ang dalawa na hindi naging madali ang pag-proseso sa mga dokumento ngunit determinadong nakipagsapalaran at sinunod ang bawat hakbang ng Ministry of Heath upang mabigyang-halaga maging sa Italya ang kanilang diploma at higit, ang kanilang propesyon sa banda o ang tinatawag na ‘riconoscimento‘ .

Si Renil Capuno, 37 anyos, tubong Tinambacan, Calbayog City, Samar at nagtapos sa La Salle taong 2002. 

Ako ay isa rin sa mga dayuhang nangarap lamang noong una”, aniya.

Ngunit matapos sumailalim sa parehong oral at written exam kung saan naging maganda ang resulta sa first try pa lamang, nasa ika-limang taon na ng karanasan bilang PT sa Roma sa ilalim ng Centro Assistenza Domiciliare (CAD).

It is self fulfilling and self challenging being part of the rehabilitation period of the patients. From the progression or regression of their diseases”, aniya.

Puro Italyano ang naging pasyente sa kinasasakupang ASL ni Renil. Mula general medical, neurologic, cardiopulmonary hanggang orthopedic, kaya naman hangad din ni Renil ang makapag-bigay serbisyo sa mga kababayang nangangailangan. 

Dumating sa Italya ng 2009 at Marso ng 2010 lumahok sa inilunsad ng gobyerno ng Italya na programa ng EU sa pakikipagtulungan ng Camera del Commercio di Roma, International Organization for Migration at Società Dante Alighieri na mga short courses ukol sa integrasyon ng mga dayuhan sa bansa. 

Pinili ko ang ‘assistenza familiare’. Kami ay 20 napili at ako lamang ang Pilipino. Ang karanasang ito ang nagbukas ng pinto sa mas maraming oportunidad para sa integrasyon at mas magandang pagkakataon. Nakapag-trabaho ako sa Casa di Riposo bilang aking unang trabaho sa Italya. Naging badante o caregiver pagkatapos, at isang araw, sa tulong ng isang Brazilian PT ay itinuro sa akin ang buong proseso. Tandang tanda ko pa ang kanyang sinabi na “Apply for riconoscimento”.

Ito ang karanasang nais kong ibahagi sa ating mga kabayayan, lalo na’t tapos sa Pilipinas na nangangarap na maging isang ganap na PT sa Italya”, pagtatapos ni Renil. 

Si Ronaldo Tejada, 46 anyos at tubong Batangas. Residente sa Milan at kasalukuyang nagtratrabaho sa isang Ospital/PGR sa Cinisello Balsamo bilang in-patient Physiotherapist at Manual Physiotherapist. 

Nagtapos ng Bachelor of Science in Physical Therapy sa University of Perpetual Help System – Laguna noong 1994. Naging lisensyado sa Pilipinas sa PRC at nagtrabaho sa Unibersidad na pinagtapusan bilang Clinical Instructor-Faculty member/ Asst Coordinator ng College of Physical Therapy bago napunta sa Italya noong 2002.

Sa tyaga at sipag para makapagtrabaho sa Italya bilang Fisioterapista o Physical Therapist o Physiotherapist ay sumailalim si Tejada sa mahigpit at masusing ebalwasyon ng Ministero della Salute di Roma ng pinag-aralan at lisensya mula sa Pilipinas.

At sa kanyang paghihirap at paghihintay, sya ay nabigyan ng ahensya ng lehitimong lisensya sa Italya na Pilipino para magamit ang propesyon na FISIOTERAPISTA.

Siya din ay lisensyadong Physiotherapist sa United Kingdom at nagtrabaho din sya sa mga ospital sa London. Subalit sa London dahil sa laging kulimlim at malungkot at hinahanap ang sarap ng pagkain at panahon sa Italya, sya ay bumalik sa Milano para magtrabaho bilang Terapista ng rihabilitasyon.

Pumasok din si Tejada sa ibat ibang istitusyon para maging eksperto sa Terapia Manuale/ Joint and Spine Manipulation at eksperto sa pagpapahusay ng posture ng indibidwal batay sa kung ano ang dahilan ng maling postura at sakit sa katawan.

Ngayong taon 2018 ay plano ko na magbukas ng isang Studio/Physiotherapy Clinic sa Milano para mapagsilbihan din namin ang mga mamayang Pilipino sa kanilang pangangailangan lalo na’t alam nating lahat, bukod sa mabigat ang trabaho ng mga Pinoy sa Italya ay halos napapabayaan nila ang kanilang mga sarili lalo na pagdating ng taglamig. Kasama na rin ang iba pang lahi bukod sa mga Italyanong kliyente o pasyente”, pagtatapos ni Ronald. 

Sa likod ng pagsusumikap at kanilang tagumpay bilang mga Physiotherapists, kanilang hangarin ang ibahagi ang kani-kanilang kwento at mga pinagdaanan sa Italya upang magbigay inspirasyon sa mga kabataang kasalukuyang nag-aaral sa Italya at mga kababayang nagtapos sa Pilipinas. 

Para sa inyong mga katanungan at impormasyon, mangyaring tumawag lamang sa numero 3898928566 (Ronad Tejada) at sa numero 3273893521 (Renil Capuno). 

 

PGA

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Aplikasyon ng bonus asilo nido 2018, simula na!

Taong 2018, sinalubong ng CONFED Toskana ng Outreach Program