Sa isa na namang pagkakataon ay nagsama-sama ang mga bowling affeccionados mula sa mga karatig na lugar ng Montecatini Terme.
Ang paligang ito sa panahon ng tagsibol ay inorganisa ng RGI Alakdan Blue Falcon sa Montecatini sa pamumuno ni Elmer “GMF El Torpedo” Alvarez. Marami na rin ang nahihilig sa “target sport” na ito dahil puwede itong gawin sa loob ng buong taon dahil napapabilang sa katgoriya ng mga indoor games at isa pa ito ay masasabing wholesome, puwede sa mga magkakaibigan, puwede sa buong pamilya, bata o matanda man ay maaring makiisa sa recreational activity na ito.
Isang maaraw ng linggo, ika-17 ng Marso 2019 ng ikasa ng RGI Alakdan Blue Falcon ang kanilang springtime edition ng palaro na ginawa sa Bowling Lucca, sa Via Corsica 25. Dinaluhan ito ng iba’t-ibang koponan mula sa kapatiran ng ibang GUARDIANS, Knights of Rizal, at mga kinatawan ng LBC Tuscany. May mga mixed teams din kung saan nagkasama-sama ang mga batikang manlalaro at ang mga amateur. Hindi lamang ang labanan ng mga koponan ang binigyan ng parangal ngunit pati na rin ang mga pagpataasan ng mga iskor ng mga indibidwal na manlalaro.
Matinding konsentrasyon at determinasyon ang kailangan upang makapaguwi ng mga nakadisplay na mga tropeyo at mga medalya. Malinaw na kontra sa mga beteranong manlalaro ay hindi naging madali ang pagipon ng iskor sa unang ratsadahan ngunit nang magsimulang maginit ay tuloy tuloy na ang pagusad ng bawat manlalaro patungo sa impresibong tagumpay hanggang sa maitanghal na kampyon ang mga karapat-dapat na mabigyang parangal.
Itinanghal na Champion ang LBC Team, 1st Runner up ang Blue Falcon Montecatini, 2nd runner-up ang RBGPII Golden Heart Firenze, at 3rd Runner-up naman ang Blue Falcon Pistoia.
Sa mga manlalaro ay naparangalan ang Highest pointer sa Men’s Division si Freddie Lorbis at sa Women’s Division naman ay nakatanggap ng premyo si Cristina Abrigo.
Nagkaroon din ng Special award sa Top 8 Players ng Single Division:
Champion: Edwin Songco
Top 2 Elmer Clemente
Top 3 Manny (LBC Tuscany)
Top 4 Freddie Lorbis
Top 5 Eddie Manalo
Top 6 Hanz (LBC Tuscany)
Top 7 Louie (LBC Tuscany)
Top 8 Fernando Obias
Nagpapasalamat ang pamunuan ng RGI Alakdan BF Montecatini sa mga nakiisa at naging sponsor ng palarong ito sa walang sawang pagsuporta: LBC Tuscany, Knights of Rizal Firenze, at Guardians Emigrant (GE) Montecatini Terme Legion.
Inaasahang hindi ito ang huling ebento na naglalayong mabigyan ng pagkakataon ang iba’t-ibang organisasyon na magkatipon-tipon at lalong mapagtibay ang samahan ng mga pilipino sa mga karatig-lugar sa rehiyon ng Toskana. Tunay na makapagbibigay ng bagong anyo sa local bowling ang mga inoorganisang mga torneo tulad nito at lalong masisindihan ang pagkahilig ng mga kababayan natin sa laro ng bowling.
Quintin Kentz Cavite Jr.