Isang makasaysayang paggunita sa Rizal Day ang ginanap sa Piazzale Manila – Rome sa pangunguna ng PDGII noong nakaraang Enero 6.
Rome – Isang makabuluhang ika-limang taon ng paggunita sa kamatayan ni Jose Protacio Rizal, ang Pambansang Bayani ng mga Filipino, sa pangunguna ng Philippine Democratic Guardians International Incorporated o PDGII ang ginanap noong nakaraang Biyernes sa Piazzale Manila – Rome, kung saan matatagpuan ang rebulto ng nasabing bayani.
Wreath laying at Flag raising ceremony ang nagbukas sa makasaysayang pagdiriwang, sabay ang pag-awit ng “Lupang Hinirang”.
Naging panauhing pandangal sina Consul General Ibayan mula sa Embahada ng Pilipinas sa Vatican, si Consul General Grace Fabella mula sa Embahada ng Pilipinas sa Italya, ang OWWA Officer, Cultural Attachè ng Embahada, Consiglieri Aggiunti Romulo Salvador at Pia Gonzalez. Nakapiling din ang ilang Guardians group tulad ng GBI Italy, DSSI at GPII Italy Legion.
“Ang paggunita sa ika-115 anibersaryo ng kamatayan ng ating Pambansang bayani ay lalong naging makabuluhan ang pagbabalik-tanaw sa isang bansa tulad ng Italya, kung saan nanalagi rin ang ating mahal na bayani sa kanyang pagtungo sa Europa”, mga pangungusap ni ConGen Ibayan.
Ganap naman ang pasasalamat ni ConGen Fabella sa inisyatiba ng PDGII mula kay Presidente Fabros at sa lahat ng bumubuo ng grupo, na maituturing na sandatang nagpapalakas sa bawat Filipinong malayo sa Inang bayan. “Isang pamana ng lahi ang mensaheng hatid ng pagdiriwang lalo na’t itinuturing ang mga ofws bilang makabagong bayani”.
Ginunita naman ni Konsehal Salvador ang isang aral mula sa ating bayani ng pagiging mapanindigan maging sa panahon ng unos at pagdadalamhati.
Sa pagtatapos ng pagdiriwang ay isang nakakapanindig-balahibo ang taimtim na pagbabasa sa tulang isinulat ni Gat Jose Rizal sa wikang espanyol at isinalin naman ng isa ring bayani na si Andres Bonifacio sa wikang tagalog, ang “Huling Paalam”. Sa kabila ng malamig na samyo ng hangin ng tag-lamig, ay ramdam na ramdam ang init ng pagmamahal ng bayani sa bansang sinilangan.
Bilang tanda ng integrasyon sa Roma, ang PDGII ay buwanang nagsasagawa ng “Operation Linis” sa Piazzale Manila mula pa ng taong 2004 upang mapanatili ang kalinisan ng plasa na karaniwang tambayan ng mga Filipino sa Roma sa mga araw ng Huwebes at Linggo.
Inumpisahan ang inisyatiba sa boluntaryong paglilinis ng Piazza Mancini noong taong 2000 at ipinagpatuloy sa Piazza Laterano.
Boluntaryo ring nagbibigay ng serbisyo sa ‘Peace and Order’ ang nasabing grupo sa mga malalaking pagdiriwang tulad ng Independence Day celebration at marami pang iba. (photos by: Boyet Abucay)